Lassy Marquez on catfishing: ‘Actually, dalawa ang nangyaring ganyan sa akin’

Lassy Marquez, minsan nang nambiktima ng catfishing.

BY
Leo Bukas

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

10/03/2021 12:29 PM
Lassy Marquez on catfishing: ‘Actually, dalawa ang nangyaring ganyan sa akin’

Bida ang dating sidekick ni Vice Ganda na si Lassy Marquez sa pelikula ng Viva Films na Sarap Mong Patayin na tungkol sa catfishing. Ayon sa writer at director ng pelikula na si Darryl Yap may dahilan siya kung bakit kay Lassy ibinigay ang title role sa Sarap Mong Patayin. Ano bang meron si Lassy kumpara sa ibang gay comedians?

“Kung anong meron si Lassy? Well, siguro sasagutin ko na lang kung ano yung wala siya,” sagot sa amin ni Direk Darryl.

Paliwanag pa niya, “Wala pa siyang ganito. Wala pa siyang tamang pagkakataon para maipakita yung kalibre niya bilang isang artista.


“Wala pa siyang moment na maipakita sa lahat na, Puwede n’yo akong seryosohin kahit nagpapatawa ako.’ At saka wala pa siyang pagkakataon na maibigay sa publiko yung pagpapatawa na merong talino, merong timing. At higit sa lahat yung pagpapatawa na kayang magkuwento.”

READ: Beks Battalion proud to be part of ‘Ang Manananggal Na Nahahati Ang Puso’: ‘It’s an honor talaga!’

Hindi rin basta-basta lang ang ginagawang pagpapatawa ni Lassy kundi meron din daw itong laman na mapapaisip ang matatalinong audiene.

“Bihira lang po kasi sa mga komedyante yung nakakapagpatawa pero may laman. Madalas po lalo na sa Pilipinas hindi tinatawanan yung mga matatalinong jokes, eh. Pero pag binitawan po ni Lassy and even all the comedians that I’ve worked with, kaya nilang magbitaw ng punchline na mapapaisip yung mga matatalinong tao at yon ang wala pa si Lassy.

“Kaya ang pagbibigay po sa kanya ng role dito sa Sarap Mong Patayin binibigyan po siya ng Viva nang wala pa siya – yon ay ang tamang avenue para mas makilala siya ng tao bilang isang seryosong artista,” sabi pa ng controversial director.

Kasama ni Lassy sa Sarap Mong Patayin na showing sa Vivamax sa October 15 ang hunky actor na si Kit Thompson at si Miss Universe 3rd runner-up Ariella Arida. Ani Lassy, itinuturing niyang “pinakamarumi” at “pinakamalansa” ang kanyang latest movie dahil nakipag-kissing scene siya dito kay Ariella.

“Kasi naman siyempre, bading ako, tapos babae, beauty queen hahalikan ko! Kadiri, di ba? Sabi ko nga, ito na yata ang pinakamarumi, pinakamalansang pelikula na nagawa ko. Napakarumi talaga,” pabiro at natatawang pahayag ni Lassy.

“Ako talaga ang nag-yuck! Hahaha! Feeling ko nga, dapat dinala siya sa hospital after ng halikan namin!” hirit niyang natatawa.

READ: Beks Battalion, ipinasilip ang naipundar na bahay

Sa totoong buhay ay dalawang beses nang na-experience ni Lassy ang catfishing. Ang ibig sabihin ng catfishing ay ang paggamit ng ibang identity sa social media para makapanloko ng tao at makuha ang mga gusto nila.

“Actually, dalawa ang nangyaring ganyan sa akin, eh. Nung nasa Punchline (comedy bar) ako yung nambiktima, mga taong 2006 yon. Eto yung pina-in love ko siya. Nagpapadala ako ng mga messages na sweet, meet tayo, so one week ko siyang ginanun.

“Eto namang si bakla, one time natutulog ako biglang tumawag, so naalimpungatan ako. ‘Bakling, hello bakit?’ Kasi ang alam niya lalaki talaga ako – boses lalaki, mga salitang panlalaki na pinapa-in love ko siya. Then yon nga, nagalit siya sa akin kasi nabuko niya ako.

“Yung pangalawa naman, ang nangyari si Chad Kinis, (kasamahan niya sa Beks Battalion) ginanyan na niya ako before. Yung pina-inlove niya ako, niligawan ako at paniwalang-paniwala ako. May pagka-gullible ako minsan, eh. Yung masabihan lang ako ng, ‘Ang ganda mo naman,’ ayun maniniwala naman ako.

“Boses lalaki siya at in-stalk daw niya ako so alam niya yung background ko talaga, so naniwala ako kasi alam niya, eh,” pagre-recall ni Lassy.

“Pero di naman ako umabot sa punto na magpapadala ako ng pera sa kung anu-anumang money remittance, money transfer, wala talaga,” paglilinaw ng Beks Battalion member.

Aminado naman si Lassy na pagkatapos sumikat sa YouTube ng kanilang grupo nina Chad at MC ay mas dumami ang lalaking gustong makipagkaibigan sa kanya na ang iba ay nire-request pa na maka-date siya.

“Noon kasi, walang masyadong nagme-message sa akin, walang nagpapa-add sa akin, wala talaga noon as in. So, eto na, lumilipas ang panahon, kagaya ngayon ang dami ng nagme-message sa akin, so wala pa naman silang perang hinihingi sa akin.

“Gusto lang nila yung makipag-meet sa akin, makipag-meet ako or mag-dinner kami, yung mga ganung eksena. Pero hindi naman umabot sa puntong humihingi sila sa akin ng kung anuman. Walang presyuhang nagaganap, walang ganun,” nakangiti at feeling long-hair na komento ni Lassy sabay tawala nang malakas.