• Home
  • Fresh Scoops
  • Ipinasilip sa unang pagkakataon ni Joross Gamboa ang beach house na pag-aari nila ng kanyang pamilya.

Joross Gamboa, ipinasilip ang bagong beach house sa Quezon

Ipinasilip sa unang pagkakataon ni Joross Gamboa ang beach house na pag-aari nila ng kanyang pamilya.

BY
Leah Bueno

Twitter: @Push_Alerts

FRESH SCOOPS

10/26/2021 05:30 PM
Joross Gamboa, ipinasilip ang bagong beach house sa Quezon
Photo credit to @joross_gamboa Instagram

Ipinasilip sa unang pagkakataon ni Joross Gamboa ang beach house na pag-aari nila ng kanyang pamilya.

Sa Instagram, nag-post ang Kapamilya actor ng ilang retrato kuha mula sa kanilang property na matatagpuan sa Costa Sariya sa Sariaya, Quezon Province.

"Gamboa’s Family Beach Home," aniya sa kanyang caption. "Thank You Lord sa blessing na eto! All Glory to God! Sa lahat ng bumubuo neto SHARARAWT sa inyo! Family of Gamboa-Sanchez, Alba-Gamboa, Gamboa-Saga, Gamboa-Escusa, Gamboa-Rapiz."


 

 

Nangako naman si Joross na maglalabas siya ng vlog tungkol sa nasabing beach house sa kanyang YouTube channel na pinamagatang "The Gamboa Channel."

Sa comments section ng kanyang post, isa sa mga bumati kay Joross ay ang aktres at Star Circle Quest batchmate ng aktor na si Neri Naig.

"Niiiiiiiiice!!!!! Congratulations, Joross!!!!" ani Neri, na may sarili na ring rest house sa Alfonso, Cavite. 

“Congrats bro and ate Katz!🥳🤍” ayon naman sa kanyang La Luna Sangre at Hello, Love, Goodbye co-star na si Kathryn Bernardo.

Bumati rin ang aktres na si Kris Bernal, komedyana na si Kakai Bautista, at mga aktor na sina Arron Villaflor, JC De Vera, at Derek Ramsay.

Abril nitong taon nang ibinahagi ni Joross na magpapatayo ng bagong beachfront property ang kanyang pamilya sa Sariaya, Quezon Province. 

 

 

Taong 2014 nang ikinasal si Joross sa kanyang asawa na si Kathy Kimberly Saga na mas kilala sa kanyang palayaw na Katz.

May dalawa na silang anak—si Jace Kyler, na 6 taong gulang, at si John Kody, na ipinanganak noong Hunyo 2017.

Huling napanood si Joross sa iWantTFC Original series na Hoy, Love You! kasama ang kanyang dating onscreen partner at nobya na si Roxanne Guinoo.

Gumaganap bilang kapwa single parents ang dalawa na mahuhulog ang loob sa isa't isa sa romcom series, na na-renew para sa ikalawang season noong Agosto.

Unang sumikat ang tambalan nina Joross at Roxanne, na binansagang "JoRox", noong 2004, matapos silang mapanood sa Star Circle Quest.

Sa nakaraang panayam, sinabi ni Roxanne na masaya silang dalawa ni Joross na marami pa rin ang nakaka-appreciate sa kanilang chemistry bilang love team.

BASAHIN: Roxanne Guinoo on working with ex-boyfriend Joross Gamboa: ‘Binibigay niya sa akin yung respect’

Mapapanood ang Season 1 at Season 2 ng Hoy, Love You! sa iWant TFC.