• Home
  • Fresh Scoops
  • Pag-amin ni Ivana Alawi, hindi pa sila nagkikita ni Joshua Garcia sa personal, pero nagkakausap na sila sa pamamagitan ng direct message sa Instagram.

Ivana Alawi, inaming nag-uusap sila ni Joshua Garcia

Pag-amin ni Ivana Alawi, hindi pa sila nagkikita ni Joshua Garcia sa personal, pero nagkakausap na sila sa pamamagitan ng direct message sa Instagram.

BY
Leah Bueno

Twitter: @Push_Alerts

FRESH SCOOPS

10/14/2021 08:55 AM
Ivana Alawi, inaming nag-uusap sila ni Joshua Garcia
Photo credit to @ivanaalawi and @garciajoshuae Instagram

Naging bukas ang aktres at vlogger na si Ivana Alawi tungkol sa paghanga niya sa aktor na si Joshua Garcia.

Sa panayam ni Ogie Diaz para sa kanyang vlog, ipinaliwanag ni Ivana kung bakit hinahangaan niya si Joshua.


"Cute 'yung mukha, tsaka mabait siya. Nakita ko parang family-oriented," aniya.

Pag-amin niya, hindi pa sila nagkikita ni Joshua sa personal, pero nagkakausap na sila sa pamamagitan ng direct message sa Instagram.

"Ano lang, friends," ani Ivana. "[Pero hindi niya alam number ko]. Hindi pa naman kami ganung level."

Nang matanong tungkol sa posibilidad na ligawan siya ni Joshua sa hinaharap, nakangiting sagot ni Ivana: “Ay itanong nyo na lang siya. Bakit ako? Gusto ko kasing makilala muna siya bago ko kurutin 'yung sarili ko."

Matatandaan na noong Agosto, ikinagulat ni Ivana nang makatanggap siya ng video greeting mula kay Joshua sa ikalawang anibersaryo niya bilang isang content creator.

Pag-amin ng kapatid ng aktres na si Mona, matagal nang may crush ang kanyang ate sa nasabing aktor.

BASAHIN: Ivana Alawi in disbelief over surprise video greeting from ‘crush’ Joshua Garcia

Samantala, sa panayam ni Ogie, ibinahagi rin ni Ivana ang mga katangian na hinahanap niya sa isang lalaki.

"Family-oriented, respectful, and 'yung tatanggapin 'yung family ko. Not aalagaan or something pero he should respect my family, the way he respects me," aniya.

Ayon kay Ivana, wala siyang balak na ipakita ang kanyang future boyfriend sa kanyang vlog, maliban kung sigurado na siyang ito na ang lalaking pakakasalan niya.

“I think, ang hirap kasi na bawat may mangyayari na maganda o bawat may manliligaw, iba-vlog mo. It should be kept private and special. For me ha. Kasi ayoko naman iharap agad 'yung camera sa kanya," aniya.

"Or not just to Joshua, sa mga nanliligaw o manliligaw, ayokong iba-vlog ko lahat...Some things should be kept private. Unless super sure na 'ko sa taong 'yun, ipapakita ko. Pero ayaw ko kasi 'yung vina-vlog ko, and then maghihiwalay tapos ano? Ide-delete ko 'yung video? Kung ano 'yung nasa YouTube ko, walang delete-an. Kung ano 'yung ipapakita ko, 'yun na 'yung magiging asawa ko," dagdag niya.

Pag-amin din ni Ivana, pangarap niyang ikasal at magkaroon ng sariling pamilya balang araw.

"Ang cut-off ko noon 21," pag-amin ng aktres, na ngayon ay 24-taong gulang na. "Cut-off para ikasal at magkapamilya...Kaso nga wala."

Sa ngayon ay nali-link muli si Ivana sa hunky actor na si Marco Gumabao.

Muling na-link ang dalawa matapos na mag-viral ang video kung saan makikitang sweet sila sa isa't isa habang nagvi-videoke kasama ang ilang kaibigan.

Sa virtual presscon ng kanyang bagong serye kamakailan, tila tikom ang bibig ni Marco tungkol sa aktres, ngunit pag-amin nito: "[Right now], I'm inspired."

BASAHIN: Si Ivana Alawi na ba talaga ang inspirasyon ni Marco Gumabao?

Hindi ito ang unang beses na na-link sina Ivana at Marco. Sa katunayan ay may post pa noon ang aktor sa Instagram tungkol sa "MarVana," ang pinagsamang pangalan nilang dalawa.

May isang retrato rin si Marco na naka-topless sa gilid ng isang pool na kung susuriin base sa isang komento ni Ivana ay siya pa ang kumuha.