• Home
  • Fresh Scoops
  • Sa Mindoro sinalubong ni Ejay Falcon ang Bagong Taon kasama ang kanyang kasintahang si Jana Roxas.

EXCLUSIVE: LOOK: Ejay Falcon itinuloy ang taunang panata para sa mga kababayan sa kabila ng pandemya

Sa Mindoro sinalubong ni Ejay Falcon ang Bagong Taon kasama ang kanyang kasintahang si Jana Roxas.

BY
Leo Bukas

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

01/07/2021 04:48 PM
EXCLUSIVE: LOOK: Ejay Falcon itinuloy ang taunang panata para sa mga kababayan sa kabila ng pandemya
Photo Credit: @ejaythefalcon Instagram

Muling pinasaya ng Kapamilya actor na si Ejay Falcon ang kanyang mga kababayan sa Bacawan, Pola, Oriental Mindoro nitong Bagong Taon. Umuwi si Ejay kasama ang kanyang girlfriend na si Jana Roxas sa kanyang hometown noong December 29, 2020 para doon salubungin ang 2021 at magbigay ng gift packs. Bumalik ang showbiz couple sa Manila noong January 3, 2021.


Taunang ginagawa ni Ejay ang pag-uwi sa Oriental Mindoro para makasama ang pamilya at kababayan at mag-abot ng mga regalo. Nasa pang-11 taon na ito ito ni Ejay na ayon sa kanya ay itinuturing na niyang isang panata.

“Parang panata ko na po kasi ito simula nung nag-PBB (Pinoy Big Brother) at ayokong mawala ito o mahinto kahit pa anumang pagsubok ang dumating. Nakakatuwa dahil nakapagbigay din po ako sa isa pang barangay na malapit sa amin—sa Barangay Buhay na Tubig.

“Medyo malungkot lang po dahil yung inaabangan ng mga kabataan na sportsfest, yung basketball league taun-taon ay hindi namin nagawa. Pero sana ngayong 2021 bumalik na sa normal ang lahat at magawa na namin yon.

“Ang sarap sa pakiramdam na nakikita ko yung mga bata at higit sa lahat yung ngiti nila at saya ng mga senior citizens dahil kahit na papaano, sa maliit na pamamaraan ay napasaya namin po sila,” kuwento ni Ejay sa PUSH.

Kasama ba niya palagi ang girlfriend na si Jana tuwing umuuwi siya ng Mindoro para doon salubungin ang Bagong Taon kasama ng kanyang mga Kapamilya at kababayan?

Sagot ni Ejay, “Since naging kami sinasama ko na siya sa Pola. At ang suwerte-swerte ko dahil gusto niya yung ginagawa namin at malapit din talaga ang puso niya sa mga tao do’n lalo na sa mga bata at mga senior citizens.”

Aminado ang aktor na dahil sa mga safety protocols na ipinatutupad ay isang malaking challenge ang ginawa niyang pag-uwi sa probinsya.

“Mahirap po sa totoo lang. Napakahirap talaga,” pagtatapat ni Ejay. “Mula sa pag-uwi pa lang na kailangang may SWAB at RTPCR negative result para di ka ma-quarantine. Kasi siyempre po iisipin mo rin yung mga dadatnan mo na dapat maging safe din sila kaya kailangan talagang sumunod sa safety protocols.

“Pero sabi ko nga, gagawa ng paraan ang Diyos basta maganda ang hangarin mo. Sabi nga di ba, ag gusto may paraan pag ayaw may dahilan, sabi nga di ba? Hehehe!” pahayag pa niya.

Sa tanong namin kung ano ang kanyang New Year’s Resolution kung meron man, ang sagot ni Ejay, “Wala naman akong dapat baguhin. Ang gusto ko lang ngayong taon ay i-enjoy lang ang buhay kasama ang mga taong mahahalaga sa akin.”