• Home
  • Fresh Scoops
  • Inihayag ni Vice Ganda na malaki ang adjustment na kanilang ginawa sa pagbabago ng landscape ng platform ng ABS-CBN.

‘Nakakasuka siya sa pressure’: Vice Ganda, ramdam ang pagbabago sa ‘It’s Showtime’

Inihayag ni Vice Ganda na malaki ang adjustment na kanilang ginawa sa pagbabago ng landscape ng platform ng ABS-CBN.

BY
PUSH TEAM

FRESH SCOOPS

01/31/2021 04:23 PM
‘Nakakasuka siya sa pressure’: Vice Ganda, ramdam ang pagbabago sa ‘It’s Showtime’
Photo Credit: @praybeytbenjamin Instagram

Kasunod ng mga hamon na pinagdaanan ng Kapamilya network noong 2020, hindi itinanggi ng Kapamilya host na si Vice Ganda ang malaking challenges na kanilang ginawa upang maipag-patuloy ang pagbibigay saya sa madlang people na patuloy ang suporta sa “It’s Showtime.”


Sa panayam kay Vice nitong Sabado sa naganap na digital conference ng “It’s Showtime,” sinabi ng Kapamilya host na ramdam niya ang kaibahan ng pagbibigay saya ngayon para sa madlang viewers.

“Alam mo nakaka baliw-baliw ‘tong show e’. Kasi, pa-evolve ng pa evolve ang platform, ang audience ang contestant so kailangan mong sabayan ang evolution e’, “ tugon ni Vice sa naging tanong ng entertainment press.

Ayon pa kay Vice, isa sa mga adjustment na ito ang pagsabay sa daloy ng damdamin ng mga Pilipino, na humaharap sa matinding hamon ng buhay ngayon dahil na rin sa pandemya dala ng COVID-19.

“‘Yung ginagawa namin dati sa ‘’Showtime’, maraming bagay ang ginagawa namin sa ‘Showtime’ kung paano namin, hinahandle ang show ‘yung segments, ‘yung contestants, hindi namin puwede gawin ngayon, kasi you have to consider the pandemic, emotions ng maraming tao, ‘yung estado ng maraming tao, parang dati parang ano kami, all out tawanan wala kaming pakialam sa mundo,” ani Vice.

Patuloy ng Kapamilya TV host: “Pero ngayon, you have to be sensitive, hindi puwedeng laging masaya, kasi hindi ganun ang emotions ng mga tao.”

Adjustment rin para sa comedian ang pagbabago ng platform ng ABS-CBN mula sa free TV, na pumasok ngayon sa digital space at cable TV.

Nag-adjust rin ang jokes na kaniyang ibinabato upang sabayan ang mga damdamin ng manonood sa digital space at cable TV market.

“Kailangan (masabayan) mo ‘yung change ng change, evolve ng evolve ‘yung platform. Kasi, biglang from free TV, bigla kami naging cable, naiba na ‘yung audience ng cable. So ako, kailangan kong aralin, ano ‘yung sensibilities ng mga cable viewers. Iba siya sa free TV, tas’ biglang naging digital, so ano ‘yung humor sa digital. Ano ang humor sa digital, paano tinatanggap ng digital ang palabas? Ano ba ang klase ang gusto nilang pinapanood? Tapos biglang bumalik nanaman ulit sa free, tas’...,” paliwanag ni Vice.

Dahil sa matinding pagbabago na ito sa paghahatid saya ng Kapamilya show, aminado si Vice na malaki ang nararamdaman nilang pressure dahil dito.

“Ang lala ng evolution ang daming changes ang nangyayari araw-araw kaya nakaka suka siya sa pressure. Ang hirap-hirap. Nakakatuwa kasi, it’s a brand new challenge,” paliwanag pa ni Vice.

Pagbibiro pa ng “It’s Showtime” host, “For the longest time siguro after a decade, ‘yung kaya kong mag-host ng ‘Showtime’ kahit lasing ako.”

Sa paglagpas ng isang dekada ng “It’s Showtime” kasabay ang pagbabago, hamon rin ni Vice sa kaniyang sarili na pag-aralan muli ang pulso ng bawat manonood.

“Pero noong nagkaroon ng ganitong sitwasyon, kailangan ko mag-aral ulit. Kailangan kong pag-aralan ang audience ko, kailangan kong alamin ang atake kung ano ang puwedeng mga jokes lang, hanggang saan lang ba, ‘yung ganun.”