• Home
  • Fresh Scoops
  • Nasa set daw ng ‘Walang Hanggang Paalam’ si McCoy De Leon nang malaman ang pag-deny ng prangkisa ng ABS-CBN.

McCoy De Leon, nangamba sa sinapit ng mga empleyado ng ABS-CBN na ngayo’y walang trabaho

Nasa set daw ng ‘Walang Hanggang Paalam’ si McCoy De Leon nang malaman ang pag-deny ng prangkisa ng ABS-CBN.

BY
Leo Bukas

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

09/07/2020 11:33 PM
McCoy De Leon, nangamba sa sinapit ng mga empleyado ng ABS-CBN na ngayo’y walang trabaho
Photo Credit: @mccoydeleon Instagram

Nangangamba si McCoy de Leon sa sinapit ng mga empleyado ng ABS-CBN na nawalan ng trabaho lalo na yung production staff na madalas niyang nakakasama sa It’s Showtime at sa mga tapings ng teleserye.

“Paano na sila ngayon, di ba? Ano na kaya ang ginagawa nila ngayon? Mas nakakausap ko kasi yung mga staff at naging malapit sila sa akin, eh. Staff ng PBB, staff ng Showtime, staff ng lahat ng unit do’n.

“Sa Viber, kahit sabihin nilang okay lang sila, pero alam mo yon, ramdam mo pa din, eh. Mahirap maging masaya, sa totoo lang.


“Kinukumusta ko sila kahit hindi na public, ganun kasi akong tao. Mas gusto ko yung private, para maramdaman ko kung okay lang ba talaga sila, kung ano yung maitutulong ko, tinatanong ko sila, yung mga ganun,” pahayag ni McCoy nang huli namin siyang makausap.

Ayon pa sa kuwento ni McCoy sa PUSH, nasa Subic sila at nagte-taping ng seryeng Walang Hanggang Paalam ng Dreamscape nang ibalitang hindi na talaga ni-renew ng Kongreso ang prangkisa ng ABS-CBN.

Kuwento niya, “To be honest po sobrang nalungkot ako. Nasa Subic po ako no’n, sa taping ng Walang Hanggang Paalam nung napanood namin na hindi na talaga ni-renew ang franchise ng ABS-CBN. Alam mo yung wala po akong magawa, tapos kumirot pa sa puso ko na yung mga kasamahan ko don, yung mga staff umiyak sila.

“Meron kasing live kaming pinanood at huminto kami sa taping tapos umiyak silang lahat. Don ko na-realize na kung ano yung sakit na nararamdaman ko ngayon triple nung sa kanila kasi mas nagwo-work sila.”

Iba raw kasi talaga ang sakripisyo ng production staff tuwing may taping o gumagawa ng live show kung ikukumpara sa kanilang ginagawa.

“Kasi kaming mga artista, after ng taping okay na, pahinga na kami, uuwi na kami. Pero sila, after ng taping, meron pa silang meeting, meron pa silang ibang gagawin.

“Mas iniisip ko talaga yung mga nasa loob, yung mga staff. Naaawa ako sa kanila, sana okay lang silang lahat ngayon,” lahad pa ng aktor.

Samantala, ipinagpapasalamat ni McCoy na hindi naapektuhan ng pandemic ang in-invest niyang dalawang building sa kanilang lugar.

“Sa palengke po kasi kami nakatira, eh. Bale nung nag-lockdown lalong dumami yung tao do’n kasi nga kailangan nila ng place para rentahan at kailangan nilang magbenta kaya hindi sila puwedeng umalis kasi mas kikita sila.

“Ang naapektuhan yung lugawan ko sa may UST. Pero looking forward pa rin akong magkaroon ng business soon,” pagtatapos ni McCoy.