Magkahalong inis at lungkot ngayon ang nararamdaman ng TV and stand up comedienne na si Gladys Guevarra matapos umano siyang takbuhan ng pera ng kanyang karelasyon mula sa kanilang kakanin online business.
Sa pamamagitan ng isang Facebook live, idinetalye ni Gladys ang dahilan ng kanyang pag kansela ng mga orders mula sa mga suki na tumangkilik sa munting negosyo na kanyang pinagkaabalahan nitong panahon ng lockdown.
“Guys, isinishare ko ito dahil gaya ng sinabi ko, kagaya ng tinuran ko, sa tagal ko po sa industriyang ito. Never, never po ako nagkaroon ng record tungkol sa pera,” mariin na sabi ng komedyana.
“Yun nga ang masakit. Kasi ka relasyon ko pa,” sabi pa ni Gladys.
Hawak ang mga listahan ng mga order na kanyang ipinakita bilang katibayan na ang mga perang pumasok para sa kanilang kakanin business ay hindi dumirecho sa kanyang bank accounts.
“Kayo din po mismo na mga nag-order, kayo rin po mismo na nag confirmed at nag forward ng payment ayan nakalagay po dyan na nagbayad kayo sa BPI at sa GCASH at sa BDO at kayo po ang magsasabi sa akin na pinag forwardan ninyo na BDO, BPI, at GCASH ay hindi ko pangalan, sad to say.”
Dahil sa pangyayari, kanselado muna lahat ng orders ni Gladys sa kanyang kakanin business na dahilan para maapektuhan ang kanya sanang pinagkakakitaan ngayon.
“Ang sakit! Kung sino pa ang the last person na pinagkakatiwalaan mo. Actually maliit lang naman, 9,100 pero yung trust ba na, ka relasyon ko pa tapos ini-introduce ko sa inyong lahat, sa pamilya ko, sa mga kaibigan ko, ganun pa magagawa sa akin at sana daw maging masaya ako mag-isa.”
Emosyonal man sa ngayon, sinigurado naman ni Gladys na ibabalik niya ang mga pera na kanyang hawak mula sa mga taong umorder sa kanyang negosyo
Sa bahagi rin ng kanyang Facebook live, wala na rin sa plano ni Gladys na sampahan pa ng kaso ang dating karelasyon at ipagpapasadiyos na lang ang pangyayari.