Katulad ng ibang celebrities, papasukin na rin ng mag-asawang Sarah Geronimo at Matteo Guidicelli ang online selling. Magbebenta ang couple ng cake na si Sarah ang magbe-bake.
Ipinost ni Matteo ang Lemon Blueberry Buttermilk cake at ang sabi nito, “My wife’s Lemon Blueberry Buttermilk cake will blow your mind. #shesthebest.”
Kaagad namang nagtanong ang mga kaibigan ng mag-asawa kung kelan puwedeng makatikim ng ipinagmamalaking cake ni Matteo baked by Sarah. Ang sagot dito ni Matteo, “Taking orders soon. One week in advance, pre-order. I’ll send you the menu.”
Pagkatapos ng komento ni Matteo ay sunud-sunod na agad ang nag-pre-order ng cake ni Sarah na hindi lang mga kaibigan nilang mag-asawa kung hindi pati followers nila sa Instagram. Gusto raw nilang matikman ang cake na gawa ni Sarah.
Maging ang fans sa abroad ni Sarah ay nagtatanong kung magsi-ship sila internationally dahil gusto rin nilang matikman ang cakes na gawa ni Sarah. Itinatanong din nila kung kung paano mag-order at kung magkano.
Matatandaang hindi ito ang first time na nag-post ng cake na gawa ni Sarah si Matteo. In fact, dati nang nag-post si Matteo ng mga cookies na baked din ng wife niya at sinabing masarap ito.