• Home
  • Fresh Scoops
  • Ani Ara Mina, magkakaroon daw ng magandang character development ang karakter niya sa FPJ's Ang Probinsyano.

EXCLUSIVE: Ara Mina, magbabalik sa Ang Probinsyano

Ani Ara Mina, magkakaroon daw ng magandang character development ang karakter niya sa FPJ's Ang Probinsyano.

BY
Leo Bukas

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

09/14/2020 01:27 PM
EXCLUSIVE: Ara Mina, magbabalik sa Ang Probinsyano
Photo credit to @therealaramina on Instagram

Kahit naka-quarantine ang bansa ay sunud-sunod pa rin ang trabaho ni Ara Mina bilang artista. 

Isinisingit niya ito sa napaka-hetic niyang schedule bilang chef at owner ng Hazelberry Café na operational na ang apat na branches ngayon.

Katatapos lang niyang gawin ang pelikula ng Viva Films na Paglaki Ko Gusto Kong Maging Pornstar nitong August at ngayong September ay balik-taping naman siya para sa FPJ’s Ang Probinsyano na pinagbibidahan ni Coco Martin.


Sa Subic ay naka-lock-in si Ara at ang co-stars na sina Alma Moreno, Maui Taylor at Rosana Roces para sa syuting ng Pornstar na idinirek ni Darryl Yap at ganito rin ang mangyayari sa taping niya sa Ang Probinsyano.

“Aalis ako ng Manila ng Sunday, September 6 pagtapos makuha ng result ng swab test ko tapos lock-in na kami sa Batangas. Halos three weeks din ako do’n kasi sa September 27 na ang balik ko ng Manila,” kuwento ni Ara sa aming tsikahan  sa Viber.

Ayon sa aktres, kailangan niyang magpa-swab test palagi bago magpunta ng taping or shooting at swab test ulit bago bumalik ng Maynila.

“Siyempre kasama na 'yon sa safety protocols para hindi rin mag-worry yung dadatnan mo sa set. Tapos before kami umuwi from the location, another swab test na naman. Ganun na talaga ngayon, eh. Kailangan talaga nating mag-ingat,” sabi pa niya.

Ibinalita rin ni Ara na magkakaroon ng magandang development sa character niya bilang si Ellen Padua na asawa ni Judge Arturo Padua played by Tirso Cruz III sa Ang Probinsyano.

“Hindi ko pa nababasa yung buong script pero exciting ang mangyayari sa aking character. Basta interesting yung mangyayari na nung una hindi ko talaga ini-expect na magiging ganun,” masaya at excited niyang pahayag.

Inamin din ni Ara na katulad ni Coco Martin at ng ibang cast ng Ang Probinsyano ay nagpabawas din siya ng kanyang talent fee para sa teleserye.

“Well, lahat naman kami do’n ganun ang ginawa. Sa panahon natin ngayon kailangan nating magtulungan,” lahad niya.  

“Hindi puwedeng sarili lang natin yung iisipin natin. At saka lahat naman nag-a-adjust ngayon, lalo na ilang buwan na rin tayong may pandemic. Ang mahalaga ngayon meron tayong work,” dagdag ni Ara.

Tuwing may shooting or taping ay hindi niya nakakasama ng anak na si Mandy. Medyo malungkot on her part pero kailangan niya raw itong tiisin.

“Bawal kasi ang bata sa set at saka delikado talaga. Naiiwan siya sa bahay pero meron naman siyang kasama do’n na nagbabantay.

“Nag-o-online class din siya ngayon and nagfe-Facetime kami everyday. Updated ako sa online class niya kasi may app ang school,” huling pahayag ni Ara Mina.