• Home
  • Fresh Scoops
  • Sinabi ni Ted Failon na utang na loob niya sa ABS-CBN kung sino at ano siya ngayon.

Ted Failon sa pag-alis sa ABS-CBN: ‘Hindi ako nagpapaalam kundi nagpapasalamat’

Sinabi ni Ted Failon na utang na loob niya sa ABS-CBN kung sino at ano siya ngayon.

BY
PUSH TEAM

Twitter: @Push_Alerts

FRESH SCOOPS

09/01/2020 02:54 PM
Ted Failon sa pag-alis sa ABS-CBN: ‘Hindi ako nagpapaalam kundi nagpapasalamat’

“Radio is my therapy. Dito po ako kumukha ng lakas.”

Ito ang ilan sa mga binitawang salita ng batikang brodkaster na si Ted Failon sa kanyang naging madamdamin na pamamaalam sa kanyang programa sa Teleradyo na naging pangalawang tahanan nito sa huling tatlong dekada. 

Sa DZMM nitong Lunes, Agosto 31, sinabi ni Ted na utang niya sa Kapamilya network kung sino at ano siya ngayon. 


“Magmula po nung ako ay sa ABS-CBN noong June 1990, utang ko po sa ABS-CBN kung ano ako ngayon. Napakalalim po at personal ang aming pinagsamahan,” ani Ted. 

Kilala sa kanyang dedikasyon sa trabaho, ibinahagi ni Ted kung gaano ka-espesyal sa kanyang ang kanyang programa. 

“Kahit anong hirap bumangon sa umaga dahil sa sama ng pangangatawan, sakit na iniinda, may pasan man na problema, babangon at babangon ka para sa iyong programa,” aniya. 

Sa TV Patrol naman, sinabi ni Ted na hindi siya namamaalam kundi nagpapasalamat sa lahat ng patuloy na sumusuporta sa ABS-CBN.

“No goodbyes at ako lang po ay nagpapasalamat. Muli po sa ating mga Kapamilya na patuloy na nanonood at nagtitiwala at tumatangkilik sa TV Patrol. Sa lahat po ng nagmamahal sa ABS-CBN, sa TV Patrol at sa inyong lingkod, sa ating mga mahal na mahal na senior citizens, muli po — hindi po ako nagpapaalam kundi nagpapasalamat,” sambit ni Ted. 

Kamakailan ay nagbigay ng mensahe si Karen Davila para kay Ted aniya’y “isa sa pinakamagaling at pinakamalalim na magkomentaryo sa radyo.”

“Nakasama ko si Si Ted Failon ng 6 na taon sa TV Patrol noong 2004-2010. Icon sa industriya. Isa sa pinakamagaling at pinakamalalim magkomentaryo sa radyo. Saan ka man mapunta Ted, I am praying for your success. God be with you,” 

READ: Karen Davila pays tribute to Ted Failon, wishes him success in future endeavors

Samantala, pinasalamatan din ng ABS-CBN si Ted sa naging serbisyo nito sa kumpanya sa nakalipas na 30 taon. 

“We thank Ted for his many years of dedication and service as a Kapamilya broadcast journalist. He will always be a Kapamilya. We wish him well on his journey,” ani ng ABS-CBN sa statement na nilabas nito. 

READ: After 30 years, Ted Failon is saying goodbye to ABS-CBN

Nagsilbi si Ted bilang host ng iba’t-ibang programa ng ABS-CBN sa telebisyon gaya ng TV Patrol at Failon Ngayon. Mayroon din siyang programa sa DZMM na Failon Ngayon sa Teleradyo.