Dahil umabot na sa 20th year anniversary sa showbiz ngayong taon ni K Brosas, muling binalikan ng singer-comedienne ang ilan sa kaniyang mag pinagdaanan para maabot ang tagumpay na mayroon siya ngayon.
“Hindi ko masabing smooth kasi wala namang ganun, parang kailangan may pagdaanan tayong baku-bako,” bungad ni K sa naganap na episode ng I Feel U nitong Linggo, August 2.
Aniya, dumating rin sa punto ng kaniyang karera na tinanong niya ang sarili kung hanggang saan ang kaya niyang tiisin para abutin ang pangarap sa showbiz.
“May mga time na parang ano, ‘Hanggang dito na lang ba akey?’ ganern pero, bibigyan ka pa din ng chance and opportunity na ‘ah eto and everything!’ Kaya dire-direcho lang andito pa rin ako.”
Marami mang pagsubok na dinaanan, hindi nawalan ng pag-asa si K dahil sa kaniyang kagustuhan na mabigyan ng magandang buhay ang kaniyang pamilya.
“Kasi ito ang passion ko. I mean for sure makakarelate din ‘yung iba na ito ang trabaho na ang sarap sa pakiramdam kasi you love what you do. So hindi mo puwedeng bitawan na ganun ganun lang kasi hindi na lang ito trabaho for me passion na rin na nagkataon ito na rin ang pangkabuhayan showcase ko,” sabi pa ng singer comedienne.
Isa rin sa dahilan ng hindi pag-suko ni K sa hamon ng buhay ang kaniyang anak na si Crystal na solo niyang itinataguyod bilang isang single parent.
Kuwento ni K, malaki ang nagbago sa kaniyang buhay simula ng isilang niya ang inspirasyon ng kaniyang buhay.
“Ang dami (changes) Dati kasi ano ako, ubos biyaya. Alam mo yung ano ang suweldo mo ngayon, gagastusin mo bukas kasi nga gabi-gabi ka naman kumakanta. Pero siyempre nung nagkaroon ka na ng anak, nagkaroon ka ng direksyon.
“Last ko abroad was Korea, then I came back pumasok na ang Gladys K and the Boxers and the rest is the history. Kaya ang laking bagay pag nagka-anak ka kasi doon na pupunta ‘yung atensyon mo,” sabi pa ni K.
Bilang isang single parent, aminado si K na maraming sakripisyo rin ang inilaan niya para itaguyod ang kinabukasan ng anak.
“Sa akin ha, siguro yung time. Kasi nag-showbiz na ako naging busy. Yung time na nag abroad ako she was only three at that time mga 8 months ako sa Korea iniisip ko na ‘Baka ‘di na ako kilala ng anak ko pag balik ko’ mga ganun drama. Tapos showbiz, nagsimula na akong taping, andyan ‘yung out of town shows, abroad so maraming oras na wala ako. ‘Yun ang pinaka matinding sakripisyo,” pahayag ng singer comedienne.