• Home
  • Fresh Scoops
  • Gustong makabalik trabaho si John Regala para masupportahan ang sarili.

John Regala: ‘Hindi ako sanay na nanghihingi, nakakahiya yung manghihingi ka’

Gustong makabalik trabaho si John Regala para masupportahan ang sarili.

BY
Leo Bukas

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

08/05/2020 01:21 PM
John Regala: ‘Hindi ako sanay na nanghihingi, nakakahiya yung manghihingi ka’

Malungkot ang naging realization sa buhay ng veteran character actor na si John Regala ngayong dumaranas siya ng karamdaman. May sakit sa atay si John na ang tawag ay liver cirrhosis.

Ayon pa kay John, kinalimutan na siya ng mga taong itinuring niyang mga anak noon.

“Ganun pala ang buhay, pag wala ka nang pera, kahit may mabuti kang nagawa, wala na rin silang paggalang sa tao,” himutok ng aktor.


Patuloy pa niya, “Yung mga anak ko sa puso, medyo nakalimot na dahil may kanya-kanyang buhay na. May sarili nang pinagkakakitaan.

“Matigas na ang buto, hindi na nakakaalala sa kanilang ama. Hindi man lang nila ako maipagmaneho.”

Ibinahagi rin ng character actor na simula nung namatay ang inang si Ruby Regala nitong January 2020 ay itinakwil na siya ng mga kamag-anak.

Lahad pa niya, “Wala na rin akong kamag-anak. Magmula nung mamatay yung nanay ko, itinakwil na rin ako ng mga kamag-anak ko. Dahil wala na silang mapapala sa akin.”

Hindi na nagpa-confine sa hospital si John pagkatapos ng kanyang check-up dahil sa takot na mahawahan ng COVID-19.

“Hindi ako nagpapa-hospital, alam mo naman, may COVID, di ba? Takot din ako sa COVID. Ayoko namang mamatay sa COVID,” sambit niya.

Kapag naging okay na ang lahat ay gusto ulit bumalik sa trabaho ni John bilang artista.

Pahayag niya, “Gusto ko makabalik, yung makapaghanapbuhay. Hindi ako sanay na nanghihingi. Nakakahiya yung manghihingi ka. Sanay akong tumulong noon.

“Eh, ngayon, ang gusto ko, maghanapbuhay. Itong nalalabing buhay ko na gugugulin ko na lang sa paglilingkod sa Diyos, unang-una. At sa paghahanapbuhay para may magamit naman ako sa aking sarili. Sa ngayon mamahalin ko na ang aking sarili.”

Ilan sa mga showbiz personalities na tumulong kay John pagkatapos mag-viral ang kanyang photo na ipinost ng isang Grab driver ay ang kapwa aktor na sina Rez Cortez, Sen. Bong Revilla, Nadia Montenegro, dating pangulong Joseph Estrada, Vic Sotto, Raffy Tulfo, Aster Amoyo, at marami pang iba.

 Taong 2016 nang huling mapanood si John sa FPJ’s Ang Probinsyano na pinagbibidahan ni Coco Martin.