McCoy de Leon, hindi pa nakakausap si Nikko Natividad pagkatapos nitong ibunyag na na-scam siya

McCoy De Leon, handa na bang magka-love team ulit?

BY
Leo Bukas

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

08/29/2020 04:32 PM
McCoy de Leon, hindi pa nakakausap si Nikko Natividad pagkatapos nitong ibunyag na na-scam siya
Photo credit: @mccoydeleon and @hashtag_nikko IG

Dating kasamahan sa Hashtag ng programang It’s Showtime at co-housemate sa Pinoy Big Brother ni Mcoy de Leon si Nikko Natividad kaya hindi naiwasang tanungin ang aktor sa virtual mediacon ng Viva kung nakausap na ba niya si Nikko pagkatapos ng balitang nabiktima ito ng investment scam at natangayan ng P4M.

Ayon kay McCoy hindi pa niya nakakausap ang kaibigan.

“Hindi ko siya directly na kinumusta, pero alam naman niya na concern ako. Kasi alam ko yung pakiramdam na… pag lalo mong kinumusta yon mamaya baka lalong maano yon, eh. Kilala ko kasi yon, eh, lalo siyang mada-down.


“Last na usap namin meron akong tinatanong sa kanya about something, pero nabalitaan ko nga yung nangyari sa kanya. Nakakalungkot siyempre, kasi kilala ko yung taong yon, eh,” reaksyon ni McCoy.

Naniniwala ba siya na meron ngang ganun kalaking halaga si Nikko?

Sagot ni McCoy, “Napakasipag no’n, eh. Sa Hashtags isa siya sa pinakamasipag. Kung meron man siyang hawak na ganun kalaking pera hindi ako magtataka kasi alam kong meron siyang pamilya, meron siyang anak na binubuhay kaya alam kong may kakayahan siyang makaipon ng ganun.

“Maloko lang yon, pero sobrang seryoso no’n sa pamilya at sobrang galing no’n sa paghawak ng pera. Matipid yon at gusto niya talagang nakakaipon.”

Balak din daw niyang tulungan ang kaibigan kahit sa maliit na paraang alam niya tulad na lang sa vlog nito.

“Naisip ko nga na kung puwede ko lang matulungan siya sa mga vlog, eh, kasi alam kong meron ding… kahit papaano kasi nagba-vlog siya,” sabi pa ng binata sabay pakiusap sa na kung puwede ay banggitin din naming na nagba-vlog si Nikko para lalong dumami ang followers.

Sa edad ngayon na 25 ay proud namang inamin ni McCoy na alam niya kung paano i-handle ang kanyang finances.

“Lumaki po kasi ako na hindi naman kami mayaman na pamilya at hindi naman kami talagang sobrang hirap. Lumaki naman din ako sa nanay ko na siya yung humahawak ng pera ko dati. Hanggang ngayon ay tinuturuan niya pa rin ako kung paano humawak, paano mag-ipon, magtipid at mag-invest,” lahad pa ng aktor.

Samantala, ngayong nasa Viva na si McCoy ay hindi pa niya alam kung magkakaroon ba siya ng love team dito o magso-solo na lang.

Aniya, “Gusto ko lang talagang maging aktor at kapag aktor ka hindi ka naman dapat mamili. Kung anong ibigay sa  ’yo dapat yon yung pagtrabahuhan mo.”

Si McCoy ay dating ka-love team ni Elisse Joson na eventually ay naging magkarelasyon din. Kaya lang, dahil sa mga hindi iniiwasang pangyayari ay nagkahiwalay din sila.