• Home
  • Fresh Scoops
  • Aminadong hindi pa lubos maka-adjust sa new normal si Pokwang.

Pokwang, naging mas maingat sa pagbibiro sa panahon ng pandemya

Aminadong hindi pa lubos maka-adjust sa new normal si Pokwang.

BY
Leo Bukas

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

08/24/2020 05:06 PM
Pokwang, naging mas maingat sa pagbibiro sa panahon ng pandemya
Photo Credit: @itspokwang27 Instagram

Unti-unti nang nakaka-adjust si Pokwang sa tinatawag na new normal na epekto ng COVID-19 health crisis. Pero ayon sa kanya, medyo hirap siyang gawin ito.

“Ako, to be honest, hindi pa ako masyadong nakaka-adjust talaga,” pagtatapat ni Pokwang. “Alam n’yo naman ang mga komedyante malilikot kami. Pag nagkikita-kita kami sanay na nagpipisikalan kami.

“So, ang hirap, lalo na pag nakikita mo yung mga kaibigan mo na gusto mong yakapin. Pero iisipin mo pa ring maging responsable ka, kasi hindi puwede na ikaw lang yung maligtas kasi siyempre lahat may mga pamilya. Lahat nag-risk na magtrabaho.


“Ang hirap pa rin… ang hirap pa rin. Pero siyempre pag inisip mo na meron kang responsibilidad kailangan mo talagang mag-adjust ng boggang-bongga hangga’t walang cure, walang ano. Iisipin mo yung responsibilidad mo bilang tao, bilang mamamayan,” tuluy-tuloy pa niyang paliwanag.

Eh, paano kung tumagal pa ang community quarantine, handa ba siya if ever?

Sagot ng komedyana, “Well, kailangan din nating isipin yon, I mean… Ipagdasal na lang natin na sana matapos na ito, di ba? Pero kailangang nakahanda ka rin, nakahanda ka rin kung ano’t anuman yung mangyayari, di ba?”

Aminado si Pokwang na nung magsimula ang COVID-19 crisis ay naging conscious siya nang konti sa pagbibiro kahit pa isa siyang komedyante.

Rason niya, “As a comedian, lalo na sa pinagdadaanan natin ngayon, ang hirap magbitaw kasi ngayon ng joke, kaya be sensitive. Siyempre, hindi mo puwedeng i-joke yung mga nagkasakit, ang hirap di ba?

“Minsan sa bahay, gusto kong tumawa, gusto kong ano… yung mga kasambahay ko baka nalulungkot kasi iniisip nila yung mga pamilya nila. Kasi sa bahay makulit din talaga ako, eh. Yung mga kasambahay ko dyino-joke ko yan, pero sa nangyayari ngayon inaalam ko muna, ‘Day, kailangan mo bang bumale? So kapag nakita kong good mood sila saka ko sila idyo-joke, ganun.”

Samantala, nagpaalam na si Pokwang sa ABS-CBN at nakahanap naman agad ng trabaho sa TV5 bilang host ng game show na Fill In The Bank. Natutuwang ibinahagi ni Pokwang na kahit pandemya ay nakakaluwag-luwag na daw siya ngayon.

“Awa ng Diyos, dahil kay Lord, di ba? Very blessed ako na sa panahong ito may hanap buhay ako. Thank you at nakakaluwag-luwag po ulit,” huling tinuran ng actress/TV host.