Paolo Ballesteros, aminadong nahihirapan mag-adjust sa ‘new normal’ sa trabaho

Paolo Ballesteros, may bagong TV project.

BY
Leo Bukas

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

08/22/2020 11:49 AM
Paolo Ballesteros, aminadong nahihirapan mag-adjust sa ‘new normal’ sa trabaho
Photo credit: @pochoy_29 IG

Aminado ang actor-TV host na si Paolo Ballesteros na hirap siyang mag-adjust hanggang ngayon sa tinatawag na “new normal” habang naka-community quarantine ang bansa dahil sa COVID-19 health crisis. Under the new normal ay kailangang magsuot ng face mask at face shield ang bawat indibidwal para makaiwas sa virus.
Ayon pa kay Paolo, nahihirapan siyang magtrabaho habang naka-face mask at naka-face shield.

“Feeling ko nga hindi talaga ako makakapag-adjust lalo na sa face mask. Oo ang hirap. Nahihirapan akong huminga,” pag-amin ng aktor sa dinaranas niyang hirap.

 “Hindi ko alam kung ganun ba talaga ako dahil sa ilong ko… dahil siguro sa goretex (ginagamit sa nose job). Charing! Hahaha!” biro pa niya.


Wala naman daw siyang choice kundi ang sumunod sa mga safety protocols para na rin makaiwas sa COVID.

“Ang hirap talaga, pero siyempre eto na tayo ngayon, eh, mag-a-adjust ka talaga, gagawan mo ng paraan. And yon nga, I think matagal pa ito.

“Kasi kahit naman halimbawa, sabihin natin na meron ng vaccine o gamot at may cure na, iri-risk mo ba yung sarili mo na hindi ka na talaga magma-mask and everything? Of course, gagawin mo pa rin ito, so I think matagal pa tayong ganito,” lahad pa niya.

Hirap din daw siyang magpatawa ngayon dahil sa mga protective mask and shield na isinusuot niya kahit sa trabaho.

“Physically kasi talaga mahirap, kasi yon nga, may barrier kasi. Hindi mo masyadong makita yung facial reaction nung kausap mo, so mahirap talaga physically,” lahad  pa niya.

Si Paolo, kasama si Wally Bayola, ang host ng TV5 game show na Bawal Na Game Show, at ayon sa kanya, sa ganitong panahon ng pandemya ay hindi na dapat iniisip ang network wars.

Pahayag niya, “Ang luma na no’n. Hahaha! Luma na, love wins na lang ngayon. Tsaka dapat sa panahon natin ngayon na may pandemya wala nang panahon para sa negativity. As much as possible kung may iniisip ka na negative ibahin mo yung iniisip mo kasi hindi siya nakakatulong sa panahon na ganito.”

Samantala, gustong ipaalala ni Paolo sa mga tao na manatili lang positibo ang pananaw sa buhay habang dumaranas ang bansa ng pandemya.

“Bawal malungkot. Bawal ang tamad. Pag work, work. Pag walang work gawa ng paraan. Laban lang,” sambit pa niya.