• Home
  • Fresh Scoops
  • Sinabi ng comedienne na si Pokwang na malaking pagbabago ang ginawa ng ABS-CBN sa kanyang buhay simula nang manalo siya sa contest at maging contract star ng TV network noong 2004.

Pokwang emosyonal sa pagpapaalam sa ABS-CBN

Sinabi ng comedienne na si Pokwang na malaking pagbabago ang ginawa ng ABS-CBN sa kanyang buhay simula nang manalo siya sa contest at maging contract star ng TV network noong 2004.

BY
Leo Bukas

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

08/21/2020 04:35 PM
Pokwang emosyonal sa pagpapaalam sa ABS-CBN
Photo Credit: @itspokwang27 Instagram

Hindi napigilan ni Pokwang ang maging emosyonal sa virtual presscon ng kanyang game show sa TV5 na "Fill In The Bank" nang alalahanin niya ang bigat sa dibdib ng desisyon niya na umalis sa ABS-CBN nung hindi na ni-renew ng Kongreso ang prangkisa ng network.

“Siyempre 15 years, hindi po ganun kadali… fifteen years,” umiiyak na pahayag ng actress/TV host.

Patuloy niya habang humihikbi, “Ang laki po talaga ng nabago ng buhay ko at nagpapasalamat po ako nang sobra-sobra sa ABS (CBN), sa mga nagtiwala sa akin.


“And nagpapasalamat pa rin po ako, kasi ako po ‘yung una nilang sinabihan na wala nang kontrata. Dahil ganun kaaga po nila ako sinabihan, maaga din po akong nakapag-decide, nakapag-isip para po sa pamilya ko.

“Kasi hindi po ako puwedeng huminto. Hindi po ako puwedeng ngumanga. Marami pong umaasa sa akin.”

Nakatulong din daw sa kanya na maaga siyang na-inform about her contract kaya naihanda ang sarili.

“Sa isang banda, hindi ko po dapat ikatampo ‘yun (wala nang kontrata) kasi… at least, maaga akong nasabihan. Kumbaga, maaga kong  naihanda ‘yung sarili ko, maaga ko pong naisalba ‘yung pamilya ko,” katwiran ng dating Kapamilya star.

Pinasalamatan din ni Pokwang ang APT at Archangel na sumalo sa kanyang career.

“Buti na lang at may sumalo agad sa akin kaya sobrang thank you po talaga. Napakalaki po talagang tulong nito sa pamilya ko,” lahad  pa niya.

At para naman sa ABS-CBN, tinatanaw daw niyang malaking utang na loob ang mga oportunidad na ibinigay sa kanya ng istasyon.

“Maraming-maraming salamat po. Hindi mawawala siyempre kung ano ‘yung nagawa sa akin ng ABS, sobrang thank you po talaga,” sabi ulit ni Pokwang.

Samantala, ayon pa rin sa komedyana, masang-masaya siya kapag may naggi-guest sa kanyang game show na mga Kapamilya stars.

“Natutuwa ako kasi lahat naman tayo ay kailangang ng trabaho, kailangan nating kuminta, hindi puwedeng ngumanga lang. Kaya kapag nakikita ko yung mga nakatrabaho ko dati, sobrang saya ko. Nagkakagulatan na lang din kami minsan, pero ang sarap sa pakiramdam,” huling pahayag ni Pokie.