Bilang miyembro ng LGBTQ+, nagbigay saloobin ang Kapamilya host na si Vice Ganda ng kaniyang personal na dahilan kung bakit ayaw niya magkaroon ng sariling anak.
Nabanggit ito ng Kapamilya host matapos magbahagi ng kwento ng isang “Tawag ng Tanghalan” contestant, na isang miyembro ng LGBTQ+ community pero may dalawang anak.
“Saludo ako. Hindi ko mawari ang tapang at husay niyo, kasi ako, hindi ko kaya ’yon,” ani Vice.
Ano Vice, madalas itong natatanong sa kanya ng kaniyang mga kaibigan at malalapit na kaanak.
“Laging natatanong sa akin, ‘Hindi ka ba mag-aanak? Sayang naman. Sabi ko, kung iisipin ko lang ‘yung kakayahan ko, puwede kong sabihin na kaya ko,” ayon pa kay Vice.
Aniya mayroon siyang sariling dahilan kung bakit ayaw niyang gawin ito.
“Ayaw ko kasi talagang i-expose 'yung magiging anak ko sa cruelty ng mundo.”
Patuloy pa ni Vice: “Ako, kaya ko 'yun. Puwede kong sabihin, na handa na ako, kasi napagdaanan ko na 'yan, kinaya ko na 'yan. Pero 'yung bata, hindi ko lubos na maisip 'yung hirap ng anak ko kapag sinalbahe ng mga salbahe, hindi ba? Parang ako na lang. Okay lang kahit mag-isa na lang ako, kahit wala na lang akong anak, basta huwag na lang magdusa 'yung magiging anak ko kung saka-sakali," pahayag ng Kapamilya host.