• Home
  • Fresh Scoops
  • Nagpakita ng suporta para sa ABS-CBN ang ilan sa pinakamalalaking bituin ng kumpanya.

Angel Locsin, KathNiel, MayWard at iba pang malalaking artista, nakilahok sa noise barrage para sa ABS-CBN

Nagpakita ng suporta para sa ABS-CBN ang ilan sa pinakamalalaking bituin ng kumpanya.

BY
PUSH TEAM

FRESH SCOOPS

07/19/2020 12:26 PM
Angel Locsin, KathNiel, MayWard at iba pang malalaking artista, nakilahok sa noise barrage para sa ABS-CBN
Photo credit: @bernardokath and @therealangellocsin IG

Sa kabila nang pinagdadaanang pagsubok ngayon ng ABS-CBN kaugnay sa prangkisa nito, nakilahok sa isang noise barrage na ginanap sa headquarters ng kumpanya sa Quezon City ang ilan sa pinakamalalaking bituin ng Kapamilya network. 

Pinangunahan ni Angel Locsin ang nasabing okasyon kung saan nagbigay siya ng madamdaming talumpati kung saan binigyang-pugay niya ang libu-libong empleyado ng kumpanya na nawalan ng trabaho. 

Bilang isa sa daan-daang artista ng ABS-CBN na walang takot na nagsasalita laban sa gobyerno, binanatan din ni Angel ang mga artistang patuloy na nananahimik sa usapin ng prangkisa ng network. 


Dito, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng kanilang boses at sinabing panahon na upang sila ay magsalita upang suportahan ang network ng nagbigay daan upang marating ang kanilang kinatatayuan ngayon. 

Pinatutsadahan naman ni Angel ang mga mambabatas na nagdesisyong ibasura ang aplikasyon ng ABS-CBN para sa bagong prangkisa. 

READ: Angel Locsin, binanatan ang mga artistang nanahimik sa usapin ng ABS-CBN franchise

Nagpakita rin ng suporta ang mga bigating love teams ng ABS-CBN tulad nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla na mas kilala bilang KathNiel at Edward Barber at Maymay Entrata na kilala din bilang MayWard.

Nakilahok din ang iba pang malalaking bituin gaya nina Enchong Dee na dala ang kanyang aso; si Beauty Gonzalez na bumaba pa sa kanyang sasakyan para yakapin ang isang empleyado ng kumpanya; at si Mylene Dizon na namigay ng tubig sa mga nakihalok sa nasabing noise barrage.

Nandoon din ang mga batikang aktor gaya nina Joel Torre at Jaime Fabregas pati na ang magkasintahang Jake Cuenca at Kylie Verzosa at ang pamilya Gonzaga. 

Samantala, kumanta naman ang Kapamilya singer na si Jona ng kanyang awiting “Maghihintay Ako” para sa lahat ng Kapamilya na nagbigay suporta.