• Home
  • Fresh Scoops
  • Independent film producer Edith Fider sa mga nagsasabing may iba namang istasyon: ‘dito ako mas nasisiyahan at ito na ang nakasanayan kaya wag ka ng kumontra’

Independent film producer Edith Fider aminadong matinding maapektuhan ng ABS-CBN shutdown

Independent film producer Edith Fider sa mga nagsasabing may iba namang istasyon: ‘dito ako mas nasisiyahan at ito na ang nakasanayan kaya wag ka ng kumontra’

BY
Leo Bukas

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

07/12/2020 01:44 PM
Independent film producer Edith Fider aminadong matinding maapektuhan ng ABS-CBN shutdown

Isa ang independent film producer na si Edith Fider na nalungkot at naapektuhan ng hindi pagre-renew ng Kongreso sa prangkisa ng ABS-CBN.

Si Fider ang nasa likod ng Saranggola Media Productions na gumawa ng musical film na Damaso, Suarez: The Healing Priest (na hindi pa naipapalabas), at iba pang mga pelikula na nahinto ang syuting dahil sa pandemic.

“Isa po kami sa mga maliliit na produksyon na natutulungan ng ABS-CBN para makarating sa publiko ang aming sining. Ngayong pinatigil po sila, kasama kami sa mga apektado dahil wala ng bibili ng TV/auxilliary rights ng aming mga pelikula,” himutok ng lady producer.


Dagdag niya, “Bawat maliliit na produksyon po ay may humigit-kumulang 60 crew. Napakarami po naming maliliit na produksyon. Domino effect po yan. Ang mga talento po na umaasa lamang sa arawang shooting ay mapapasama na sa mga magpapabigat sa gobyerno.”

Ibinahagi rin ni Fider kung paano natulungan ng ABS-CBN ang kapatid niyang si Millet Marasigan sa pagpapalaki sa kanyang mga anak kahit nasa loob lang ito ng kanilang tahanan.

Pagbabahagi niya sa reaksyon ng kapatid nung pinatay ng Kongreso ang prangkisa ng ABS-CBN nitong July 10, “May naitulong ba sa akin ang ABS-CBN? Bakit nakikisimpatiya ako sa kanila? Financially wala! Pero sila ang naging katulong ko noong panahong pinapalaki ko mga anak ko.

“Single parent kasi ako that time dahil nasa abroad si mister. Nakakagawa ako ng mga gawaing bahay ng hindi ako naiistorbo ng mga bata kasi nakatutok sa pinapanood nilang mga palabas na pambata.

“Kaagapay ko din ang ABS sa pag-aaral ng mga anak ko sa mga palabas nilang pang kaisipan. Sa maghapong pagtatrabaho at paggawa sa nga gawaing bahay ay naaaliw nila ako sa pamamahinga ko at habang nananghalian dahil sa mga programa nilang pang tanghalian.

“Sa hapon, naaliw nito ang Nanay ko sa mga lumang pelikulang pinalalabas nito at lubhang kinaaaliwan. Dito ko na rin nalalaman ang mga pangyayari sa loob at labas  ng bansa habang nanonood ng kanilang mga balita.

“Sa buong araw na pag-aayos sa bahay at pag-aasikaso sa mga bata ay nakakapag-relax din  naman ako sa panggabing soap opera  nila.

“So in short, naging bahagi sila ng aking araw araw na pamumuhay na nakalakihan na rin ng aming pamilya and I’m sure ng iba pang pamilya. Ngayon, dahil lang sa mga akusasyon na pinanigan ng marami ay dagling nawala. Nakakalungkot at di nabigyan ng sapat na hustisya ang kumpanya.

“Sa ganang akin, pag nagkasala, patawan ng kaukulang parusa, ituwid ang pagkakamali upang di na pamarisan muli at maging gabay ng iba pang istasyon. Ang mali ay itinatama.

“Hindi kayo ang Diyos para humusga sa kanila lalo na sa maliliit  na manggagawa na umaasa sa kanila.  Simpleng kaligayahan  ng mahihirap ay kinitil n’yo pa.

“Sa hihirit diyan na may iba pa namang istasyon at di lang ABS, nanonood din naman ako sa iba pero dito ako mas nasisiyahan at ito na ang nakasanayan kaya wag ka ng kumontra.”