Hindi naitago ng Kapamilya TV host na si Vice Ganda ang kanyang damdamin sa naging hatol sa franchise renewal ng ABS-CBN.
Sa opening ng "It’s Showtime” nitong Sabado, July 11, bakas ang lungkot at pagkadismaya ng Unkabogable Star, na nag walk-out sa stage ng Kapamilya noontime show.
Sa naging pag-alis niya ng stage, agad na nagpaliwanag si Vice sa pamamagitan ng isang Twitter post.
“Kailangan kong umexit sa point na yun para umiyak. I couldn’t fake it. Pero ok na 'ko after humagulgol,” post ni Vice nitong Sabado sa kaligtanaan ng programa.
Kailangan kong umexit sa point na yun para umiyak. I couldn’t fake it. Pero ok nako after humagulgol. https://t.co/RNhsymGbS8
— jose marie viceral (@vicegandako) July 11, 2020
Matatandaan na sa kalagitnaan ng paghihintay sa hatol ng kongreso sa franchise renewal ng ABS-CBN, kabilang ang mga host ng “It’s Showtime” sa mga nagpahayag ng kanilang damdamin at mabigyan pa sana ng pagkakataon ang ABS-CBN na ipagpatuloy ang serbisyo nito sa larangan ng entertainment at public service.
Sa panayam ng ABS-CBN News, inihayag ni Vice na hindi na ito para lamang sa laban ng ABS-CBN, kundi laban ng mga taga-subaybay ng network na umaasa sa libreng entertainment sa panahon ng pandemya.
“Ang ABS-CBN, ang serbisyong ibinigay niya ay naging malaking bahagi ng araw-araw na buhay ng mga Pilipino. Napakalaking bahagi,” sambit ni Vice sa panayam.
“Tungkol ito sa ating lahat. Hindi ito tungkol lang sa mga taga-ABS-CBN, sa mga artista. Tungkol ito sa ating lahat. Tungkol ito sa buhay natin,” pahayag ni Vice.
Sa kabila ng hinaharap na pagsubok, tuloy ang ABS-CBN sa pagbibigay ng balita, entertainment sa pamamagitan ng social media platform nito.