• Home
  • Fresh Scoops
  • Gusto sanang makatrabaho ni Yves Flores si Direk Cathy Garcia-Molina bago ito mag-retire.

EXCLUSIVE: Yves Flores, malaki ang utang na loob kay Direk Cathy Garcia-Molina

Gusto sanang makatrabaho ni Yves Flores si Direk Cathy Garcia-Molina bago ito mag-retire.

BY
Leo Bukas

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

06/29/2020 12:32 PM
EXCLUSIVE: Yves Flores, malaki ang utang na loob kay Direk Cathy Garcia-Molina
Photo Credit: @yvesfloreszeroseven Instagram

Malaki ang utang na loob ng A Soldier’s Heart actor na si Yves Flores kay Direk Cathy Garcia-Molina kung paano nag-improve ang kanyang acting skills. Dati raw kasi ay wala talaga siyang alam sa pag-arte.

“Eh, kasi naman kakalabas ko lang noon sa PBB (Pinoy Big Brother) tapos salang agad. Siyempre, sobrang bano pa akong umarte noon, wala pa talaga akong kaalam-alam,” natatawang pagbabalik-tanaw ni Yves.

Si Yves ay bahagi ng Pinoy Big Brother Teen Edition 4 noong 2012. Kasama rin siya sa grupo ng talents ng Star Magic.


“Nahasa ako kay Direk Cathy. Lahat kasi nung mga hindi kailangan sa acting, yung mga sobra-sobrang acting mo tinanggal niya talaga. Pinagtiyagaan ako no’n, eh. Pinagtiyagaan niya ako talaga,” patuloy na kuwento ni Yves.

Dagdag pa ng aktor, “Ang daming itinuro sa akin ni Direk – lahat.  Tinandaan ko yon hanggang sa mapunta ako sa ibang director. Lagi niyang sinasabi sa akin, ‘Pinapagalitan kita ngayon kasi ako ito. Paano kung ibang director na ang kaharap mo, ganyan pa rin ba ang gagawin mo.’”

Sa palagay niya, bakit pinagtiyagaan siyang turuang umarte ni Direk Cathy?

“Mabait daw kasi ako, eh,” pabiro niyang sagot.  “Dati kasi lagi niya akong niloloko kasi hindi raw ako marunong talaga (umarte), pero sabi niya, kukunin at kukunin pa rin daw niya ako kasi mabait daw akong tao,” sabi ulit ni Yves.

Napasama si Yves sa cast ng Got To Believe at Forevermore na si Direk Cathy ang director.

“Dalawang magkasunod yon, sinama niya ako sa show. Kinukuha din niya ako sa  para sa ibang show pero nakuha na ako ng ibang unit.

“Kinuha niya ako sa movie nina Daniel (Padilla), yung last nila, kaso may conflict ako sa schedule. Tapos kinuha niya ako ulit sa movine nina Kathryn (Bernardo) at Alden (Richards) kaso may Block Z naman ako. Nagsorry nga ako sa kanya kasi baka akala niya kinalimutan ko na siya.

“Kung alam niya lang gustung-gusto ko na siyang makasama ulit at makatrabaho kaya lang nung mga panahong yon nga may iba akong trabaho. Gusto ko talaga siyang makatrabaho,” lahad ng aktor.

Ibinahagi rin ni Yves na matagal na niyang alam ang plano ni Direk Cathy na magpahinga na sa pagdidirek ng pelikula.

“Matagal na niyang sinabi sa akin yon, pero nandiyan pa rin siya. Bata pa lang ako sinasabi niya na  ‘yon sa akin,” pabirong sabi ni Yves.

“Pero sana, bago siya mag-retire, kahit isa na lang pelikula, one last, makatrabaho ko ulit siya. Pero kung hindi man, puwede pa naman kaming magkita, pupunta ako sa bahay niya,” pahayag ni Yves tungkol sa itinuturing niyang mentor sa pag-arte.