• Home
  • Fresh Scoops
  • ‘Hindi po ninyo kalaban ang ABS-CBN’: Judy Ann Santos nanawagan sa pamahalaan

‘Hindi po ninyo kalaban ang ABS-CBN’: Judy Ann Santos nanawagan sa pamahalaan

Ilang Kapamilya stars ang sumama sa “Laban Kapamilya”, isang online protest sa biglaang pagpapasara sa ABS-CBN ng NTC.

BY PUSH TEAM

FRESH SCOOPS

5/8/2020 11:34 PM
‘Hindi po ninyo kalaban ang ABS-CBN’: Judy Ann Santos nanawagan sa pamahalaan


Sama sama ang Kapamilya stars sa online protest na “Laban Kapamilya,” Biyernes ng gabi, Mayo 8.

Kabilang sa mga nakilahok dito ay si Judy Ann Santos, na isa sa mga premiyadong aktres ng Kapamilya network. Itinuturing na ni Juday na pangalawang tahanan niya ang Kapamilya network.

Sa pahayag ni Judy Ann isa lamang ang kaniyang naging tanong. “Ano ang nangyari?”

“Ang bawat isang tao, may kanya-kanyang opinyon sa nangyari at pangayayari sa kasalukuyan,” bungad ng aktres.

“Bilang pilipino na nagbabayad ng buwis, bilang isang ina, anak, asawa at Kapamilya,katulad po ninyo, may opinyon po ako sa nangyari sa ABS-CBN.”

Lahad pa ng aktres, hindi siya nagmamarunong pagdating sa kalakaran ng batas, at aniya alam niya na ang batas ay batas. Pero bilang isang mamamayan at naniniwala siya sa mga nakapaloob sa saligang batas.

“Ang tanong ko lang naman po, simple lang naman, siguro kahit nga grade 2 masasagot Ito, o kahit siguro grade 2, ito rin ang tanong, Ano pong nangyari sa proseso?” sambit ng aktres.

Pagtataka pa ng aktres, “Bakit po kinailangan na gawin ito sa ABS-CBN ngayon? Na sa panahon mismo ngayon na lahat tayo nasa bahay, na kasalukuyang natatakot at nag-iisip kung ano ba ang kinabukasan talaga natin,” aniya pa.

Bilang isang ina na nanatili ngayon sa kanilang tahanan dahil sa ECQ, tanong pa ng aktres, “Kailangan pa po ba natin na madagdagan ang lungkot at pangamba na sting nararamdaman na meron na tayo sa pangkasalukuyan?”

Naniniwala rin ang aktres na sa pagkakataon na ito ngayon, dapat ay inuuna ng pamahalaan ang kapakanan ng maraming Pilipino na natatakot sa kontrabidang hindi nakikita.

“Sa mga ganitong panahon, na Wala tayong laban sa isang kontra bida na hindi natin nakikita at Wala tayong kalaban laban sa oras na tinamaan tayo nito, hindi ho ba Pwede na magkaisa na muna tayo at magtulungan para malagpasan ang epidemyang ito?” ani Juday.

Hiling pa niya ang tamang proseso at tamang pagtrato sa batas para sa mga mamayang Pilipino, na isa sa mga sandigan ay saya na ibinibigay ng mga programa ng ABS-CBN.

“Harapin po natin ang tunay na kalaban, hindi po kami ang kalaban,hindi po ninyo kalaban ang ABS-CBN, sa panahong ito, tayong lahat dapat ay magkakampi,” pahayag pa ng aktres.

Bukod kay Judy Ann, nagbahagi rin ng kanilang opinyon sa live online protest ang ilang ABS-CBN talents tulad nina Boy Abunda, Bianca Gonzalez, Bela Padilla, Kim Chiu, at Coco Martin.