• Home
  • Fresh Scoops
  • Hindi napigilan ni Coco Martin ang maglabas ng kinikimkim na sama ng loob tungkol sa pagsasara ng ABS-CBN.

Coco Martin: 'Bakit kami ang naisip ninyong tanggalin? Sa panahon ngayon kung saan ang ABS-CBN at ang mga artista ang isa sa mga tumutulong sa mga tao ngayon?'

Hindi napigilan ni Coco Martin ang maglabas ng kinikimkim na sama ng loob tungkol sa pagsasara ng ABS-CBN.

BY
Ann Manhit

FRESH SCOOPS

05/08/2020 11:50 PM
Coco Martin: 'Bakit kami ang naisip ninyong tanggalin? Sa panahon ngayon kung saan ang ABS-CBN at ang mga artista ang isa sa mga tumutulong sa mga tao ngayon?'
Photo credit: @cocomartin_ph IG

“Ito po’y walang nag-utos sa amin. Kami pong mga artista, nagtulong-tulong, nagbuklod-buklod kasi gusto naming mailabas kung ano ‘yung nararamdaman namin,” bungad ni Coco Martin sa Laban Kapamilya, isang online protest na ginanap sa isang Facebook Live, gabi ng Biyernes, May 8.

Kasama ng iba pang arista at empleyado ng ABS-CBN, naglabas si Coco ng damdamin niya tungkol sa pagpapasara ng network. “Hindi ko maipaliwanag at hindi ko rin alam kung paano ako magsisimula dahil sobra ‘yung galit na nararamdaman ko.”

Para kay Coco, hindi lang ito usapin ng kaniyang trabaho. “Alam kong ang pag-aartista ay hindi panghabangbuhay. Maaring ngayon, uso ka, sikat ka; pero lahat ‘yan ay walang kasiguraduhan. Lahat ‘yun ay pinaghandaan ko.”


Ikinuwento ni Coco ang mga pinagdaanan niya bilang artista, at kung paanong sa kabila ng lahat at lubos pa rin ang pagpapasalamat niya dahil may trabaho siyang maasahan. “Wala po akong talento. Ang liit ko, ang pangit ko, ang itim ko, bulol ako, hindi ako maruning mag-ingles, wala akong kapasidad o katangian para maging isang artista. Pero hindi po ‘yun ang tinignan ng ABSCBN. Ang tinignan nila, kung ano ang kapasidad mo para magtrabaho at para ipakita ang talento mo.” Nang maabot niya ang pangarap niya, naitanong ni Coco sa sarili niya kung ano naman ang maibabalik niya.

“Ang turo sa akin ng lola ko, dapat marunong kang tumanaw ng utang na loob. Alam ko po na kung anumang narating ko sa buhay ko, kung anumang narating meron ako ngayon, ‘yun po ay utang na loob ko sa lahat ng mga taong sumuporta at nanood po sa amin. Sa lahat po ng taong humahanga sa amin. At dahil po sa tulong ng ABS-CBN.”

Inulit ni Coco na walang pumilit sa kanya at sa kanyang mga kapwa artista na tumulong o magsalita. “Ang lagi lang pinapaalala ng mga boss namin, itong lahat ng ginagawa natin, ang kapalit nito ay serbisyo para sa bayan.” Ito ang pinanghahawakan niyang responsibilidad kaya naman kahit gaano siya kaabala sa paggawang teleserye, pelikula, at iba pa, humahanap siya ng paraan para makatulong.

“Kung magkakaroon po kami ng pagkakataon, kaming mga artista, nagpupunta pa po kami sa mga probinsya. Bakit po? Para makapagbigay ng konting kaligayahan sa mga tao. Para makapagbigay po ng kahit konting tulong sa mga tao. Kaya po nagkakaroon kami ng charity, at iyon po ay bukal sa loob namin.”

Aminado si Coco na ilang beses na niyang naisip sukuan ang “Ang Probinsiyano”, na maglilimang-taon nang umeere. Pero ang paalala sa kanya: “Hindi na para sa atin ang ginagawa natin. Ginagawa natin ito para pagserbisyuhan ang ating bayan. Dahil ikaw ang nagiging magandang ehemplo para sa kabataan nagyon. Ikaw ang nagpapakita ng tunay na buhay sa mga nangyayari sa bawat Pilipino ngayon. Ikaw ang kanilang inspirasyon. Ang mga tao sa abroad na nalulungkot, na nakakapanood ng ating teleserye, ‘yun ang ating serbisyo, kasi ‘yun ang ating trabaho.”

Serbisyo para sa kapwa ang itinanim kay Coco ng ABS-CBN, kaya hindi niya lubos maisip kung anong malaking pagkakamali ng kumpanya para matanggal sa ere. “Kung ang kumpanya po namin ay may ginawang kawalanghiyaan, kasalbahihan, at may inaping tao, alam niyo po? Hindi ko lulununin kung anuman ang ipagagawa sa akin. Ako ang kauna-unahang tatanggi at makikipaglaban.”

Ayon kay Coco, hindi na lang usapin ng sariling kabuhayan ang pinaglalaban dito. “Lagpas-lagpas na po kami doon. Hindi na po pansarili namin ang iniisip namin. Ang iniisip na po namin ay ang kapwa namin. Paano ba namin maibabalik sa lahat ng blessings na ibinigay sa amin?”

Dagdag pa ni Coco, kung sariling karera lang ang iniisip niya at ng mga kapwa artista niya, malamang ay hindi na nila susugal na may mga taong umayaw sa kanila o magalit dahil sa mga sinasabi nila. “Pero kung hindi po namin gagawin ito, at hindi maririnig ng mga tao ang nasa dibdib namin, ang mga hinaing namin, ang mga nasa isip namin — sino po ang gagawa? Lahat kami matatakot? Anong gagawin namin sa mga bahay namin, magti-Tiktok para mapaligaya kayo?”

“Mula nang napasara ang ABS-CBN, kinimkim po namin ‘yung galit sa dibdib namin. Anong klaseng hustisya, anong klaseng mga tao, ang gumawa nito? ‘Yun po ang tinatanong ko. Kasi kaming mga artista, maaaring lahat ng panlalait naabot na namin. Minamaliit kami, kesyo hindi kami nakapag-aral, artista lang kami at hindi nakapagtapos — lahat ng panlalait, okey lang po ‘yan. Wala namang problema ‘yan. Opinyon niyo po ‘yan e.”

“Ang sinasabi ko lang po, noong nagkaroon ng COVID-19, ang ABS-CBN ang isa sa mga nanguna para tumulong sa ating bansa. Kaming mga artista, walang nagsabi sa amin, walang nagpilit, kahit maging buhay na namin ang kapalit. Kung manonood kayo sa balita, halos lahat ng artista nasa labas. May mga artistang kumikilos kahit hindi ninyo nakikita sa TV o sa social media. Bakit? Kasi po ito na ‘yung pagkakataon namin para kami ang tumulong. Kasi po ‘yung mga hindi nagagawa ng iba, kami na po ang gagawa. Kasi nakakahiya naman po sa inyo.”

Walang hilig si Coco sa social media, pero nang pumutok ang balitang ipinasa na nga ang ABS-CBN, hindi na niya napigilang maglabas ng sama ng loob sa Instagram. “Sa gitna ng pandemya, sa gitna ng nangyayari sa ating bansa, nauna niyo pang isipin ipasara ang ABS-CBN kesa tugunan ang pangangailangan ng ating bansa?

“Kami pong mga artista, ang ABS-CBN, kami po ang isa sa pinakamalaking nagbabayad ng buwis sa ating bansa. Kami po, may binabayaran po kaming tax taon-taon. May binabayaran po kaming VAT every month. Napakalaki ng naitutulong namin, bukod sa ibinabayad naming tax. May serbisyo kaming ibinibigay sa mga tao. Pumupunta kami sa ibang bansa para kamustahin ang mga OFWs.”

“Bakit dumating ang pagkakataong kami ang naisip ninyong tanggalin? Sa panahon ngayon kung saan ang ABS-CBN at ang mga artista ang isa sa mga tumutulong sa mga tao ngayon? Ano pong malaking problema doon?”

Idinirekta din ni Coco ang saloobin niya sa mga bashers at trolls. “Sa lahat ng mga taong naninira sa amin, hindi kayo pwedeng labanan o kausapin nang mahinahon. Ngayon, kakausapin ko kayo sa sarili ninyong lengguwahe. Pasensiya na po kayo, galit na galit ako. Galit na galit ako.”

Hindi na mapigilan ni Coco ang pagtaas ng boses niya sa galit at emosyon. “Ano po bang uunahin natin ngayon? Tanggalin ang kumpanya na tumutulong sa ating kapwa, sa lahat ng mga Pilipino? O ‘yung sugal na ipinapasok sa ating bansa? Buti pa ‘yung POGO ipinaglalaban ninyo. Itong kumpanyang tumutulong sa lahat ng mga tao ngayon, ipinasara ninyo. Ano ‘yun?”

“Tapos ‘yung mga tao, tuwang-tuwa? Tuwang-tuwa kayo na nawalan ng trabaho ang 11,000  na tao. O ngayon, kaming 11,000 na tao, anong mangyayari sa amin ngayon? Ngayon, kaming mga artista, paano namin tutulungan ang ilang pamilyang tinutulungan namin at binubuhay namin? Anong sabi ni Harry Roque? “O, pumila kayo sa DOLE. Huwag kayong mag-alala, bibigyan namin kayo ng ayuda. E kung ang buong Pilipinas nga hindi ninyo ma-supplyan e, pati kami makikidagdag? Ano pong gagawin namin ngayon?”

“Alam niyo po ang hirap e. Pinagiisipan ko kung saan ko ito dadalhin. Sa maihinahon na pakiusapan? Tingin niyo, pag kinausap ko kayo ng mahinahon, ayos? Maaawa kayo sa amin? Pipigilan ko pa ang nararamdaman ko? Lahat naman tayo walang kasiguraduhan kung makakalagpas sa COVID-19 na ito. Bago pa matapo ito, ang importante masabi ko kung ano ang totoo kong nararamdaman sa inyo.”

Nang huminahon si Coco, muli siyang humingi ng dispensa. Hindi lang talaga niya mapigil ang sama ng loob niya sa tuwing naiisip niya kung gaano karaming tao ang naaapektuhan ng sitwasyon. “Pasensiya na po kayo. Sorry po, sorry po. Sobra po ang galit talaga. Alam kong hindi lang ako. Marami sa mga kasamahan ko sa industriya. Pero kung hindi ako maglalakas ng loob, kung magpapaka-neutral ako, kung magpapaka-diplomasya ako, sa tingin ko, hindi ito ang tamang pamamaraan para kausapin kayo.”

Pero hindi na talaga mapigil ni Coco na sumabog ulot ang nararamdaman. Naniniwala siyang hindi ngayon ang panahon para manatiling tahimik. “Ako, bahala na bukas. Sasabihin ko na kung anong nararamdaman ko. Binarubal na tayo e, tinarantado na tayo, kinuha na ‘yung bahay natin. Anong i-eexpect natin? Ipagdarasal natin sila? Pinagdasal na natin sila. Tiniis na natin sila. Dapat kumilos tayo! Dapat magsalita tayo! Dapat marinig kung ano ang nawala sa atin. ‘Yung 11,000 na nasa ABS-CBN, iparinig ninyo! Kasi kung lahat tayo mananahimik, aabusuhin tayo. Para tayong batang kinotongan at pagkatapos, kapag nagkita kayo, anong i-eexpect mo? Kasi ito na ‘yung pagkakaton natin. Wala na tayong trabaho, anong iniingatan natin? Ako honestly, wala na akong trabaho. Anong ipapakain ko sa pamilya ko? Kapag ang pamilya ko kinanti, kahit sino ka pa, lalaban ako ng patayan. Kahit patayin mo pa ako.”