• Home
  • Fresh Scoops
  • Respeto at pang-unawa ang hiling ng ABS-CBN sa mga opinyon ng bawat isa.

ABS-CBN Corporation, nagapasalamat sa suporta ng Kapamilya stars

Respeto at pang-unawa ang hiling ng ABS-CBN sa mga opinyon ng bawat isa.

BY
PUSH TEAM

FRESH SCOOPS

05/15/2020 12:05 PM
ABS-CBN Corporation, nagapasalamat sa suporta ng Kapamilya stars

Kasunod nang kinakaharap na franchise issue ng ABS-CBN, pasasalamat ang ipinaabot nito para sa mga Kapamilya stars na nagpahayag ng kanilang supporta at pagmamahal para sa kompanya.

Sa pamamagitan ng isang statement na inilabas ng ABS-CBN corporate communications team nitong Mayo 14, 2020, inihayag nila ang kanilang buong pusong respeto sa mga bituin para sa kanilang naging tugon at paglalabas ng saloobin, opinyon bilang malasakit sa mga empleyado ng network.


“Nagpapasalamat ang ABS-CBN sa lahat ng mga artistang nagpahayag ng kanilang pagmamahal at pagmamamalasakit sa kompanya habang ito ay dumadaan sa isang matinding pagsubok.

“Buong puso at tapang ninyong ibinahagi at ipinadama ang inyong mga saloobin kahit na alam ninyong hindi lahat ay maaring sumang-ayon sa inyo. Dama namin ang inyong pagmamahal hindi lamang para sa ating tahanan at mga kasamahan sa industriya ngunit para na rin sa ating mga kababayan na pinaglilingkuran.

“Nirerespeto namin ang opinyon ng iba’t ibang tao, kahit na sumasalungat sa aming pananaw o ng aming mga artista, ngunit hindi kailangang gumamit ng masakit na salita, mang-insulto o magkalat ng kasinungalingan. Sana ay respeto at pang-unawa sa kapwa ang pairalin natin lalo na sa panahon ngayon.

“Muli, maraming maraming salamat sa aming Kapamilya artists. Malalampasan natin ang hamong ito bilang isang pamilya. Kapamilya Forever.

Matatandaan na kabi-kabilang online protest ang isinagawa ng Kapamilya stars bilang suporta sa ABS-CBN na itinuturing na rin nila bilang ikalawang tahanan.

Mayo 5 nang patigilin ang broadcasting ng Kapamilya network sa TV at Radio frequency nito sa buong Pilipinas bilang pagsunod sa cease and desist order ng National Telecommunications Communication [NTC].

RELATED NEWS: ABS-CBN to go off air in compliance with NTC order