• Home
  • Fresh Scoops
  • Ano ang unang balak gawin ni James Blanco pagkatapos ng enhanced community quarantine?

EXCLUSIVE: James Blanco, ibinahagi ang naging realisasyon dahil sa COVID-19 crisis

Ano ang unang balak gawin ni James Blanco pagkatapos ng enhanced community quarantine?

BY
Leo Bukas

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

04/17/2020 01:01 PM
EXCLUSIVE: James Blanco, ibinahagi ang naging realisasyon dahil sa COVID-19 crisis

Panay ang post ng actor na si James Blanco sa kanyang social media accounts ng mga videos habang nagwo-workout siya sa loob ng kanyang bahay habang sumasailalim ang bansa sa Enhanced  Community Quarantine dahil sa COVID-19 pandemic.

“Pantagal inip din yon, eh. Dapat kahit nasa loob ka lang ng bahay ginagawa mo pa ring busy at productive ang sarili mo. Yung workout ko, bukod sa natatanggal yung inip ko nagbe-benefit din ako, yung katawan ko,” mensahe sa amin ni James sa Facebook Messenger kung ano ang pinagkakaabalahan niya habang naka-quarantine.

Dagdag pa ng aktor na huling napanood sa Kapamilya series na The Killer Bride, “Kasama ko rin naglalaro palagi ang mga anak. Lagi rin kaming nag-uusap sa mga bagay-bagay na mga interesado silang gawin.


“Habang nagwo-workout ako kasama ko din silang nag-eensayo para lumakas ang kanilang mga katawan. Madalas ay gumawa din sila ng devotion para sa church ng lalo silang mapalapit sa Diyos.”

Kasal si James kay Tania Creighton-Castillo at meron silang tatlong anak na sina Inigo, Baste at Natalia.

Nang tanungin namin kung kumusta naman ang kanyang pamilya sa gitna ng krisis, sagot ng aktor, “Mabuti naman ang aking pamilya. Palagi kaming nagdadasal sa ating Panginoon. Kahit nasa bahay tuloy pa din ang pag aaral ng mga bata.”

Ano ba ang na-realize niya sa pagdating ng pandemic crisis na ito?

“Naisip ko kung gaano talaga kamakasarili ang ibang mga politiko,” diretso niyang tugon sa tanong namin. “Nakita ko na sa panahong ito maraming mga pulitiko  na sariling kapakanan lang nila ang kanilang iniisip,” dugtong pa ni James.

Lastly, inalam na rin namin kay James kung ano ang unang-una niyang gagawin kapag na-lift na ECQ.

“Ang una kong gagawin pagkatapos ng lahat ng ito ay pumunta sa simbahan para magpasalamat sa ating Panginoon. Yon talaga ang gagawin ko at ng pamilya ko,” pagbabahagi ng aktor.

Samantala, mapapanood si James sa iWant original series (produced by ATD Entertainment) na The Beauty Queens na pinagbibidahan nina Gloria Diaz, Winwyn Marquez, Maxine Medina at Maris Racal mula sa direksyon ni Joel Lamangan. Gagampanan ni James sa series ang role ni Roger na isang UP student activist turned armed rebel na boyfriend ni Winwyn.