Kasabay ng pagharap ng bansa sa krisis ng COVID-19, kanya-kanyang paraan ng pagtulong sa mga nangangailangan ang mga showbiz personality at kabilang na dito, ang singer na si Angeline Quinto.
Gamit ang kaniyang talento sa pag-awit, isang fundraising on-line concert ang laan ni Angeline para sa mga kaibigang stand up comedian ng Laffline at Punchline, na nangangailangan ng tulong pinansiyal dahil apektado ang kanilang kabuhayan ng enhanced community quarantine.
Sa social media, inilahad ng singer ang kaniyang hangarin na tulungan ang mga kasamahan na kailangan ngayon ng pantustos sa kanilang mga pangangailangan.
“BANDAMAYAN: Tuloy parin po ang pagtulong natin sa mga kasamahan natin sa industriya na nangangailangan ng pagdamay ngayong lockdown. Samahan nyo po ako sa BanDamayan para sa isang videoke jamming sa Facebook Live, (AngelineQuintoOfficial) ngayong Sunday, April 12, 5pm. Tara po magkantahan at makatulong sa mga kapwa ko musikero na simula po nag lockdown ay nawalan narin po ng pagkakakitaan - mga singers at banda na nawalan ng mga trabaho.
"Isama na rin po natin ang tinutulungan ng kaibigan nating si MC Calaquian na empleyado po ng comedy bars na nawalan din ng source of income dahil sa walang nagaganap na mga shows. Marami po sa kanila ngayon ang kailangan ng ating tulong pantustos sa kanilang araw araw na pangangailangan,” post ni Angeline sa Instagram.
Bukod kay Angeline ilang Kapamilya personalities na rin ang gumawa ng paraan para matulungan ang mga trabahador sa showbiz industry na apektado ng pinapatupad ng mas mahabang enhanced community quarantine.