• Home
  • Fresh Scoops
  • Shanti Dope, inbinahagi ang natutunan sa pinagdaanang kontrobersya dahil sa kanta niyang ‘Amatz’

Shanti Dope: ‘Hindi ka naman nabuhay para i-please yung tao’

Shanti Dope, inbinahagi ang natutunan sa pinagdaanang kontrobersya dahil sa kanta niyang ‘Amatz’

BY
Leo Bukas

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

03/05/2020 04:39 PM
Shanti Dope: ‘Hindi ka naman nabuhay para i-please yung tao’
Photo credit: @shantidopeofficial IG

Aminado ang sikat na rapper na si Shanti Dope na may konting nabago sa pagsulat niya ng kanta pagkatapos maging kontrobersyal ang kanta niyang “Amatz” dahil sa pagkakaroon ng double meaning nito.

“Aaminin ko, may nabagong konti, kasi sa totoo lang, sa ngayon maraming kabataan ang naka-focus sa rap. Konting ano lang… kasi parang ang bilis nilang maimpluwensyahan ng music, eh, ang bilis nilang maramdaman yon, so tamang choice of words lang,” pagtatapat ni Shanti Dope sa PUSH.

Si Shanti Dope, together with Gloc 9, Sandiwa Band, Asintada artists Lirah and JKris, ay magkakaroon ng bar tour sa iba’t ibang  branches ng Padi’s Point. Tinawag na “Barkada Bar Tour 2020,” nagsimula na ito last February 29 at magtatapos sa June 2020.


Iginiit din niya na wala siyang intensyong maka-offend ng sinuman nung ginawa niya ang “Amatz.”

“Trip-trip lang talaga yon. Hindi ko nga alam na magiging ganun yon, eh,” natatawa niyang pagre-recall.

“At saka para sa akin naman, kahit ano naman sabihin nila, lalo pag music nasa pagtanggap siya ng tao, eh, kung paano mo siya ia-analyze. Kung mao-offend ka nasa sa ‘yo na siguro yon, kasi hindi naman siya intensyon ng nagsusulat na ma-offend ka.

“Saka sa isyu na yan, sa totoo lang parang isa siya sa history ng buhay ko na puwede mong ikuwento sa anak mo balang araw. At saka may nangyari na ring ganyan dati sa rapper group sa Amerika na pinapa-ban yung music nila, so para sa akin hindi na rin siya bago.

“Mas na-inspire pa nga ako lalo na gumawa ng music kasi to the point na yon na pala yung naaabot ng music ko, kumbaga nakarating na sa kanila so solid lang,” patuloy pang paliwanag ng rapper.

Kaagad din daw naayos ang problema niya sa “Amatz” nang kausapin ng record label niya (Universal Music) ang mga kinauukulan.

“Nakipag-usap ang record label sa kanila at nakasundo naman sila  at napag-usapan naman ang problema. Wala namang naging problema na sa akin kasi okey na sila, eh,” sambit pa niya.

Sa bandang huli ng panayam namin ay pinanindigan ni Shanti Dope na hindi pa rin niya nililimitahan ang sarili pagdating sa kanyang craft.

“Hindi ko rin po naman nililimitahan yung sarili ko, hinahayaan ko lang.  Kasi para sa akin pag mas honest ka sa craft mo, honest din yung pagtanggap ng tao, eh.

“Para sa akin siguro, yung mga nakaka-misinterpret ng ginagawa ko, hindi para sa kanila yung music na yon. Kasi may iba namang na-appreciate siyang maganda siya.

“At saka hindi mo rin naman talaga mapi-please lahat ng tao. So para sa akin, kung may ganun man hindi para sa kanila yung music na yon, puwede ka naman din nilang huwag na lang pakinggan.

“Kasi hindi mo naman dapat i-please yung tao, eh. Pag gusto ka nila, gusto ka nila. Pag ayaw ka nila, ayaw ka nila. Hindi ka naman nabuhay para i-please yung tao, eh.

“Para sa akin yung music ko kasi expression siya – lahat kasi tayo may uma-ano sa dibdib natin, na gusto nating pakawalan. Sa akin, yung music ko ang pamamaraan ko para pakawalan yung mga nararamdaman ko kesa magreklamo ako sa mga kaibigan ko. Feeling ko kasi  yung problema ko naipapasa ko lang sa kanila, so isusulat ko na lang,” mahabang paliwanag ni Shanti Dope sa PUSH.