• Home
  • Fresh Scoops
  • Ai-Ai Delas Alas, minsan nang napagbintangan ni Divine Geronimo

Ai-Ai Delas Alas, minsan nang napagbintangan ni Divine Geronimo

Ikinuwento ni Ai-Ai Delas Alas ang ginawang pagpapakalkal ni Divine Geronimo sa van niya noon.

BY PUSH TEAM

FRESH SCOOPS

3/5/2020 12:33 PM
Ai-Ai Delas Alas, minsan nang napagbintangan ni Divine Geronimo


Taong 2006 nang makatrabaho ni Ai-Ai Delas Alas si Sarah Geronimo sa seryeng Bituing Walang Ningning kung saan gumanap sila bilang mag-ina.

Kaya naman nang ma-corner ng entertainment columnist na si Allan Diones si Delas Alas sa isang event, hindi naiwasang maitanong sa kanya kung paano si Sarah bilang katrabaho.

“Mabait si Sarah na anak. Mabait si Sarah na kapatid. Basta mabait si Sarah,” sagot ni Delas Alas.

Dito, hindi rin napigilang usisahin ang komedyante tungkol kay Divine Geronimo na ina ng pop singer sa totoong buhay.

Maaalalang mainit na pinag-usapan kamakailan si Divine dahil sa pagsugod nito sa kontrobersyal na kasal ng The Voice coach sa actor na si Matteo Guidicelli.

Paglalahad ni dating Kapamilya star, nagkaroon siya ng hindi magandang karanasan kay Divine Geronimo noon.

“Dumating ‘yung time na medyo nagka-anuhan kami. Pero okay na ‘yun. Wala na ‘yun. Matagal na ‘yun,” pagsisimula ni Delas Alas.

Bagama’t tikom ang bibig niya nang una, hindi pa rin napigilang ilahad ng komedyante ang ginawa sa kanya kung saan pinagbintangan siya ng pagnanakaw ng t-shirt.

“Hindi naman sumama loob ko. Medyo na-off lang ako ng konti. Pero noon ‘yun. Kasi nawala ‘yung t-shirt ni Sarah. Napagbintangan niya kami na kami ang kumuha. Nakakaloka ‘day,” saad niya.

Pagbabahagi pa ni Delas Alas, ang nakakatanda niyang kapatid na si Joan ang nakakita ng lahat ng pangyayari.

“Wala na ako nu’n. ‘Yung ate ko nandu’n. Kaya ang ate ko—si Ate Joan, ang tawag niya kay Mommy Divine, ‘best friend Divine,’” sabi pa ni Delas Alas.

“Siya ‘yung nag-explain na wala sa amin ‘yung t-shirt,” paglalahad ng komedyante.

Agad namang nilinaw ng 55-year-old na artista na ang assistant ng Popstar Royalty ang nagsabi kay Mommy Divine na sa kanya ang nawawalang t-shirt ng singer-actress.

“I-cocorrect ko lang ha. ‘Yung assistant ni Sarah ang nagkamali na hanapin sa amin. Kasi si Mommy Divine naghahanap sa assistant,” sabi pa niya.

Gayunpaman, hindi raw nagustuhan ng Comedy Queen nang utusan na ni Divine Geronimo na ipakalkal ang mga gamit sa kanyang van.

“Ang medyo na-off ako, ‘yung kinalkal niya ‘yung van namin,” paliwanag ni Delas Alas.

Hiningan din si Delas Alas ng kanyang komento tungkol sa mag-ina na humaharap ngayon sa matinding pagsubok.

“Lahat kaming ina, bukod sa protective, wala kaming hinahangad sa mga anak namin. Kaya lang, ‘pag nasa edad na, go na. Move on na tayo. Hayaan natin sila sa kaligayahan niya si Sarah,” sabi niya.

“Kasi nasa edad na si Sarah. 31 na si Sarah. And I think lahat naman ng pagtulong niya sa pamilya niya, nagawa na niya. And I think it’s time na bigyan naman si Sarah ng kaligayahan na para sa kanya,” dagdag pa niya.

Samantala, nagbigay naman ng payo ang ‘D Ninang star para sa bagong kasal.

Sabi niya: “Put God in the middle of their relationship. Kasi hindi kayo magkakamali ‘pag palagi kayong nagpi-pray. Since Christian sila, parati silang uma-attend ng Christian fellowship nila.”

Sa nasabing interview, ibinahagi din ni Ai-Ai Delas Alas na minsan nang naging bodyguard ni Matteo Guidicelli ang tatay ng kanyang asawa na si Gerald Sibayan.

“Isa sa mga bodyguards ni Matteo noon, father-in-law ko,” paglalahad niya.