• Home
  • Fresh Scoops
  • Lorna Tolentino, naniniwalang maaayos ang isyu sa pagitan nina Coco Martin at Robin Padilla

Lorna Tolentino, naniniwalang maaayos ang isyu sa pagitan nina Coco Martin at Robin Padilla

Lorna Tolentino, wala ng balak magka-love life pa muli.

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

3/3/2020 1:19 PM
Lorna Tolentino, naniniwalang maaayos ang isyu sa pagitan nina Coco Martin at Robin Padilla


Naniniwala si Lorna Tolentino na darating din ang panahon na magkakaayos sina Robin Padilla at ang bida ng FPJ’s Ang Probinsyano at kasama niya sa teleserye na si Coco Martin.

Matatandaan na nitong mga nakaraang araw ay idinawit ni Robin ang pangalan ni Coco sa kanyang posts sa Instagram at inakusahan ito ng isang lumang isyu. Kahit clueless si Lorna sa totoong nangyari wish niya na maging okey ang dalawa.

Ani LT,  “Lahat naman ng mga away-away ng artista sa showbiz later on nagkakaroon din ng pagbabati. Kasi iisa lang ang linya ng pagtatrabaho ninyo. So, magkakaintindihan din yan. Sa ngayon siguro hindi pa sila nagkaka-usap pero magkaka-intindihan sila eventually.”

Ayaw namang pumasok ni Lorna sa eksena dahil hindi raw niya kayang maging peacemaker. Inalala pa nito na kung nabubuhay ang asawang si Rudy Fernandez ay malamang daw na ito ang naging peacemaker nina Robin at Coco.

“Si Daboy ang peacemaker, eh. Siya yon… siya yon,” lahad ng aktres. “Sana merong tao na puwede nilang... puwedeng pumagitna sa kanila para bumukas ’yong isip nila at magkaintindihan. But that’s not me. Hahaha!” tigas niyang pagtanggi.

Matagal na ring yumao si Daboy. In fact, pang-12th death anniversary na ng aktor ngayong June, 2020. Wala namang napabalitang nali-link kay Lorna after mamatay ng action star.

Eh, bakit nga ba hindi na ulit nakipagrelasyon si LT gayung sa ganda niya ay siguradong maraming nagkakagusto sa kanya?

Rason ni Lorna, “Matanda na kasi ako eh. Kasi ako ano… siguro ganun talaga yung love story namin ni Daboy. Kumbaga, nag-umpisa niya akong magustuhan bata pa ako, pinangako niyang papakasalan niya ako.

“Ten years yung difference namin, so kung ano man, sabi ko tinupad ko lang ‘yung pangako ko sa kanya.”

Ibinahagi din ng aktres na 14 years old pa lang siya noon ay crush na niya talaga si Daboy.

“Nu’ng 14 pa lang ako crush ko na si Daboy, so siguro hindi pwede yung basta nakilala mo lang… Dapat yung matagal mo nang (kilala) para masabi mo talaga na kahit ano pang mangyari, eh, siya lang talaga,” sambit pa niya.

Ayaw din daw ng mga anak niyang sina Renz at Rap na mag-asawa siya ulit.

“Kasi sinabi rin ng mga anak ko na parang wag na raw, eh, lalo na nung time na medyo bata-bata pa, wala pa akong 50s, 46 lang ako nu’n. Ngayon na 58 na ako, malapit na ako mag-senior, hindi na ‘yon ang priority ko talaga. Lalong na-lessen habang tumatanda ako,” deklara pa ni Lorna.

Samantala, sa FPJAP ay ginagampanan ni Lorna ang character ni Lily Cortez na nag-iisang kontrabidang babae sa teleserye ng ABS-CBN.