• Home
  • Fresh Scoops
  • Naglunsad ng bagong kampanya ang ABS-CBN upang tulungan ang mga Pilipinong apektado ng ipinatupad na enhanced community quarantine dahil sa coronavirus disease (COVID-19).

‘Pantawid ng Pag-ibig’ campaign, inilunsad para sa mga apektado ng Luzon lockdown

Naglunsad ng bagong kampanya ang ABS-CBN upang tulungan ang mga Pilipinong apektado ng ipinatupad na enhanced community quarantine dahil sa coronavirus disease (COVID-19).

BY
PUSH TEAM

FRESH SCOOPS

03/21/2020 12:22 PM
‘Pantawid ng Pag-ibig’ campaign, inilunsad para sa mga apektado ng Luzon lockdown

Naglunsad ng bagong kampanya ang ABS-CBN upang magpaabot ng suporta sa mga local government unit na sustentuhan ang mga Pilipinong apektado ng ipinatupad na enhanced community quarantine sa buong Luzon dahil sa pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19).

Ang nasabing campaign, na pinamagatang "Pantawid ng Pag-ibig", ay naglalayong kumalap ng donasyon mula sa mga indibidwal at kompanya upang ipambili ng pagkain at iba pang pangangailangan sa araw-araw ng mga residenteng apektado ng quarantine.


"Mga Kapamilya, sa oras ng pangamba, lagi po tayong nagkakaisa bilang isang pamilya. Habang tayo po ay pinakikiusapang manatili sa bahay, may mga Kapamilya po tayong nangangailanan ng ating tulong. Ngayong hindi sila makalabas para makapaghanapbuhay, nais po naming manawagan ... sa ating mga kababayan na may pusong tumulong na mag-donate po ng cash na gagamitin pambili ng pagkain, at iba pang pangangailangan sa araw-araw. Ang inyo pong cash donations ay maaaring ipadala sa ABS-CBN Foundation," sabi ni ABS-CBN president at CEO Carlo Katigbak sa kanyang pahayag na inere sa TV Patrol nitong Huwebes, Marso 19.

Ayon kay Katigbak, katuwang ng ABS-CBN ang ilang local government units na siyang responsable sa pagre-repack at pagdi-distribute ng goods sa kani-kanilang mga barangay.

"Uumpisahan po namin ito sa Metro Manila, at umaasa po kami na, sa pamamagitan ng mga tulong ninyo, maabot din namin ang mga ibang nanangailangang barangay," dagdag pa niya.

Upang simulan ang kampanya,  nag-donate ang Lopez Group ng P100 milyon. Kabilang sa grupong ito ang ABS-CBN.

"Hangad po namin na walang magugutom sa panahong ito. Tulad sa lahat ng ating pinagdaanan, ang magliligtas sa atin ay ang pagmamahal sa isa't isa. Maraming salamat, mga Kapamilya," sabi pa ni Katigbak.

Ang mga donasyon ay maaaring ipadaan sa mga sumusunod:
Account name: ABS-CBN Lingkod Kapamilya Foundation, Inc. - Sagip Kapamilya

BDO Peso Account: 0039301-14199
Swift Code: BNORPHMM
BPI Peso Account: 3051-11-55-88
Swift Code: BOPIPHMM
Metrobank Peso Account: 636-3-636-08808-1
Swift Code: MBTCPHMM

Sa huling tala ng Department of Health (DoH) nitong Biyernes, Marso 20, umabot na sa 217 ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa. Nananatili sa 17 ang namatay at 8 naman ang gumaling na.