• Home
  • Fresh Scoops
  • EXCLUSIVE: Anthony Jennings ikinuwento ang tungkol sa natanggap na indecent proposal sa bading

EXCLUSIVE: Anthony Jennings ikinuwento ang tungkol sa natanggap na indecent proposal sa bading

Laking Negros Occidental ang Filipino-British na ‘Make It With You’ star na si Anthony Jennings.

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

3/17/2020 1:22 PM
EXCLUSIVE: Anthony Jennings ikinuwento ang tungkol sa natanggap na indecent proposal sa bading


Lumaking Pinoy na Pinoy si Anthony Jennings na kilala bilang si Rhamboy ng primetime series na Make It With You ng ABS-CBN kahit pa ang hometown niya ay sa Grimsby, United Kingdom.

“Sa Manila ako lumaki pero tumira din ako sa Negros Occidental sa place ng nanay ko. Yung childhood ko, lumaki akong Pinoy na Pinoy talaga. Nakikipaglaro ako ng tumbang preso, patintero, taguan sa gabi at marunong din akong mangisda,” pagmamalaking kuwento ng binata sa PUSH.

“Noong pumunta kami sa Negros doon ko naranasan yung parang mabuhay ng katulad ng iba—like yung iba nangingisda. Yung lolo ko ang  nagturo sa akin lumangoy. Nanghuhuli ako ng alimasag. Magaling po akong sumisid,” dagdag niyang kuwento.

Pero hindi lang pala isda ang kanyang hinuhuli.

Aniya, “Magaling rin akong mandukot ng alimango sa mga palayan. Pag dinukot mo siya huhulihin mo siya hanggang sa makarami ka. Alimango siya pero maliit lang siya, pero talagang masakit siyang manipit,” natatawa niyang pag-alala sa buhay probinsya niya.

Bilang isang simpleng teenager sa Negros na tumira sa Maynila kung saan mas maraming bading ay hindi raw naman siya na-culture shock.

“Iba po yung tao do’n, iba rin naman yung mga tao dito at iba-iba sila ng pagtingin ng tao kung ano ka, kung ano sila,” reaksyon niya.

Pero inamin ni Anthony na meron na rin siyang masamang karanasan sa bading.

“Ah… actually meron,” pagtatapat niya. “Pero parang hindi ko na maalala yung iba. Makakalimutin kasi ako ng konti, eh, so parang…

“Tsaka yung mga bad things po na ganun hinahayaan ko na lang minsan, parang kinakalimutan ko na lang din. Pero para sa akin, marami naman pong ano, eh, hindi naman po lahat ng gays ay ganun, pero some,” deklara pa niya.

Ano bang ginawa sa kanya ng bading?

“Hindi naman niya ako hinipuan. Hindi naman po dumating sa ganun, siguro sa salita, parang ganun. I respect a lot of them naman po,” tugon niya sa tanong namin.

Hindi na rin itinanggi ng Make It With You star na nakatanggap na rin siya ng mga indecent proposal.

“Na-try ko na. Nakarinig na ako ng ganyan pero mahirap i-take yung risk, eh, mahirap, eh. Parang hindi, parang negative na lang ako. Sabi ko, ‘No!’ nag-no ako.

“Wala akong masamang ano sa kanila or something. Basta wala kang tinatapakan o sinasaktang tao, as long as mabait ka sa akin mabait din ako sa ‘yo.

“Hindi naman po ako mapanakit na tao. Kaya ko pong kausapin yung tao nang maayos. Siguro if ever na umabot sa ganun, na babastusin na talaga ako, ita-try ko pong umiwas na lang siguro kesa sa medyo magkaroon po ng sakitan or something. Ayoko pong magkaroon ng isyu,” huling pahayag sa PUSH ni Anthony.