Cristine Reyes, bumait na sa entertainment press

Cristine Reyes, ipinaliwanag ang pagbabago sa kanyang pakikitungo sa entertainment press.

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

2/6/2020 10:46 AM
Cristine Reyes, bumait na sa entertainment press


Magkaiba ng style sa pakikitungo sa press ang magkapatid na sina Ara Mina at Cristine Reyes. Di hamak na mas malambing at mas ma-PR si Ara kumpara kay Cristine.

Tuwing may itatanong ang media kay Cristine na may kaugnayan sa personal niyang buhay ay umiiwas ito. Minsan naman kapag napipilitan siyang sumagot ay kadalasang ‘no comment’ o lihis sa tanong ang kanyang mga sagot.

Sa presscon ng pelikulang Untrue kung saan bida si Cristine kasama si Xian Lim ay napansin ng press ang slight na pagbabago kay Cristine kung paano siya sumagot at makiharap sa press.

Bakit kaya bigla siyang “bumait” sa press?

Sagot ng aktres, “Siguro over time… magti-thirty-one na ako. Nung mga time na nakilala niyo ako na feisty and all, I was 14, 15, teenager.”

Hindi rin daw siya masisisi ng press dahil nung mga panahong yon ay hirap pa siyang kontrolin ang kanyang emosyon.

“You can’t really blame me for those days na hindi ko ma-control ang emotions ko.

“So over time, natututo ka rin to fix yourself, na hindi naman lahat ng bagay ay kailangang lalabanan mo.

“Basta ang kailangan is to try to become a good person when it comes to myself, to other people, to work. I’m really trying,” pahayag pa ng aktres na gumaganap bilang si Mara sa Untrue.

Ayon pa kay AA (palayaw ni Cristine), habang tumatagal ay mas naiintindihan na rin niya ang pinasok na industriya kaya ibinubukas na niya ang sarili dito.

“Siguro don pumapasok yung naiintindihan mo na yung pinasok mong trabaho. Kasi nung nagsisimula ako, honestly, totoo nawala akong pakialam noon.

“Kapag may nagtatanong, ‘Ayoko ngang sagutin yan!’ ‘Di ko nga gustong sagutin yan.’ ‘Bakit sino ka ba para magtanong?’ Gano’n ako, eh… dati.

“Pero ngayon, mas malawak na ang pagkakaintindi ko sa pinasok kong trabaho, at kasama yun. Ngayon, mas masasabi ko na mas nakakaharap na ako nang maayos,” paliwanag ng aktres.

Patuloy pa niya, “Hindi na ako padalus-dalos, hindi na ako nagwu-walk out. Ngayon, mas appreciative na ako na nandito na ulit ako. Mas na-appreciate ko kung ano meron ako, di katulad nang dati.”

Ang Untrue naipapalabas sa February 19, 2020 ay produced ng Viva Films at Idea First Company. Ang pelikula ay mula sa direksyon ni Sigfrid Andrea Bernardo.