• Home
  • Fresh Scoops
  • EXCLUSIVE: ‘On Vodka, Beers And Regrets,’ malaking pressure para kay Direk Irene Villamor

EXCLUSIVE: ‘On Vodka, Beers And Regrets,’ malaking pressure para kay Direk Irene Villamor

Umaasa si direk Irene Villamor na marami ang manonood ng ‘On Vodka, Beers, and Regrets’

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

2/5/2020 1:39 PM
EXCLUSIVE: ‘On Vodka, Beers And Regrets,’ malaking pressure para kay Direk Irene Villamor


Photo credit: @ayrin IG

Nakilala si Direk Irene Villamor sa mga pelikulang Camp Sawi, Sid & Aya: Not A love Story, Meet Me In St. Gallen at Ulan ng Viva Films na lahat ay magaganda ang resulta sa box-office.

Wala pa siyang flop na pelikula kaya aminado ang director ng On Vodka, Beers and Regrets na may pressure sa bago niyang pelikula na pinagbibidahan nina JC Santos at Bela Padilla na palabas na simula February 5, 2020.

Ani Direk Irene, “Malaking pressure kasi parang pag gumagawa ka, parang sana hindi yan yung sukatan, di ba? Pero sa totoong buhay, yon naman talaga yung sukatan – box-office result – at saka gusto ko rin naman talaga na maraming nakakapanood ng mga ginagawa ko.

“Kasi hindi lang yon para sa akin, eh, hindi lang yon sa sarili ko lang. Para din yon sa producer ko, para bigyan niya pa ako ng mas maraming project, ganyan. Yon yung ginagawa sa akin ng box-office pressure. Isa siyang malaking-malaking pressure.”

Bago raw niya gawin ang isang pelikula ay hindi muna niya iniisip kung papanoorin ba ito o magugustuhan ng audience.

“Definitely not. Wino-worry ko na siya kapag promo time na, do’n na ako natatakot,” sambit niya sa PUSH.

Naka-experience na ba siyang ma-reject ang project napini-pitch niya sa Viva?

“Wala pa naman akong ganung experience,” mabilis niyang sagot. “Even sa Ulan kahit medyo experimental yon, that’s what’s good with them, sa Viva, mula nung Camp Sawi na ginawa ko sa kanila wala pa naman silang ini-scrap sa akin na movie. Parang so far, so good.

“May freedom ako, malaki yung freedom na binibigay nila kasi habang nagsusulat ka puwede mong dalhin kahit saan yung kuwento. Siguro lang nagkakataon na yung sensibility ko as a director and writer buti na lang nagma-match sa viewing public o sa audience natin,” pahayag pa niya.

Natatawa namang ibinahagi sa PUSH ni Direk Irene na hindi niya alam kung anong genre ng mga ginagawa niyang pelikula.

Lahad niya, “Hindi ko alam kung romcom siya kasi konti lang yung comedy, di ba? Parang comedy comes out of the situation lang nung mga characters. So, siguro hindi siya romcom, hindi, eh. Hindi ko alam kung anong tawag.

“Hindi rin siya yung hugot na hugot na hugot. It’s more o fcruising through pain, eh, pero hindi ko alam. Hahaha!”

Pinapangarap din ba niyang magkaroon ng awards ang kanyang mga pelikula?

“Hindi ko siya dini-dream, hindi ko siya pinapangarap. Pero every time na may naririnig ako, kahit masama sa top 10 list or merong nomination ang pelikula ko at kahit hindi manalo parang it’s a confirmation kasi na meron kahit papaanong naka-appreciate ng ginawa ko enough to give you a citation, so okey na,” huling pahayag sa PUSH ni Direk Irene Villamor.