• Home
  • Fresh Scoops
  • Sylvia Sanchez, bakit nga ba umabot ng 14 ang sampal kay Joey Marquez sa ‘Pamilya Ko’?

Sylvia Sanchez, bakit nga ba umabot ng 14 ang sampal kay Joey Marquez sa ‘Pamilya Ko’?

Ipinaliwanag ni Sylvia Sanchez kung bakit umabot ng 14 na beses ang sampal niya kay Joey Marquez sa isang eksena sa ‘Pamilya Ko’.

BY PUSH TEAM

FRESH SCOOPS

2/25/2020 9:43 AM
Sylvia Sanchez, bakit nga ba umabot ng 14 ang sampal kay Joey Marquez sa ‘Pamilya Ko’?


Masayang binalikan ng 'Pamilya Ko' stars na sina Joey Marquez at Sylvia Sanchez ang isang eksenang sinampal ni Luz (Sylvia) ang nangaliwang asawa na si Fernan (Joey). Ayon kay sa dalawa, umabot ng 14 na beses ang naturang sampal.

Kuwento ni Sylvia sa kanilang pagbisita sa Magandang Buhay nitong February 24, sinubukan niyang dayain ang sampal, pero inutusan siya ng direktor na totohanin at dagdagan pa ng dalawang sampal.

"Kasi diba may eksenang nahuli ko na siya, sa isang room yon. Yun yung sinabi ko sa kaniya kung totoo ba, tapos umamin siya. So sinampal ko siya doon nang isang beses. Hindi ko nilapat [buong kamay] kasi kapag [nilapat] ko, ang lakas kong manampal kasi spiker ako sa volleyball e. So [dinaya] ko ng sampal, e nakita ni direk. Sabi ni direk, 'Nandadaya ka. Gusto ko ibigay mo', o edi binigay ko nang isang beses.

"Sabi ni direk, bumulong 'Sampalin mo nang tatlong beses pero wag mong sabihin', so wala siyang alam. E ilang anggulo yon, so umabot nang 14 yon," kuwento ng aktres.

Matapos ang eksena, agad namang daw humingi ng tawad si Sylvia kay Joey. "Sabi ko pa, 'Tsong sorry talaga, trabaho lang walang personalan', sabi niya, 'Hindi, sanay na ako e.' Nasasampal daw siya sa totoong buhay," dagdag ni Sylvia na sinabing si JM De Guzman ang nagparating sa kaniya na totoong nasaktan si Joey sa mga sampal.

"Ang mahirap no'n, sinampal na niya ako, sinampal pa ako ni Irma (Idlawan), sinampal din ako ni Rosanna (Roces). Sampalan lang kami nang sampalan doon," pabirong sagot naman ni Joey sa kuwento ni Sylvia.

Samantala, sa parehong interview din ibinahagi ni Sylvia ang dahilan kung bakit lagi silang buong cast kapag pumupunta sa guesting at pagpo-promo.

Sylvia Sanchez confirms ‘Pamilya Ko’ getting a book two

"Kapag kinukuha kami ni Tsong (Joey Marquez), ako, si JM, o halimbawa tatlo lang sa amin o apat ang kukunin para mag-promote, lagi naming sinasabi ni Tsong, papayag kami [basta] bitbit namin lahat ng anak namin. Ayaw namin ng kulang. Kaya ngayon alam na nila na [kapag] promo tayo, sige lahat, ganon," paliwanag ni Sylvia.

Mapapanood pa rin ang Pamilya Ko sa Primetime Bida.