• Home
  • Fresh Scoops
  • Mga sineng lokal na pang-international ang kalidad bibida sa Sinag Maynila 2020

Mga sineng lokal na pang-international ang kalidad bibida sa Sinag Maynila 2020

Mga pelikulang kalahok sa Sinag Maynila 2020 handa na.

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

2/19/2020 11:37 AM
Mga sineng lokal na pang-international ang kalidad bibida sa Sinag Maynila 2020


Mapapanood sa ilang piling sinehan bilang bahagi ng Sinag Maynila 2020 ang mga sineng lokal na pang-international ang dating. Tatakbo ang independent film festival from March 17 to 24.

Ang Sinag Maynila ay pinamumunuan ng director na si Brillante Mendoza at ng big boss ng Solar Pictures na si Wilson Tieng.

Ngayong taon ay tampok sa film fest ang limang full-length na pelikula, anim na documentary, at sampung short films. Ang limang napiling full-length film ay unang beses na mapapanood sa Pilipinas sa Sinag Maynila. Apat sa mga ito ay mga world premiere.

Ang mga napiling full-length film ay ang He Who is Without Sin ni Jason Paul Laxamana, starring Enzo Pineda at Elijah Canlas; The Highest Peak ni Arnel Barbarona, starring Dax Alejandro at Mara Lopez; Kintsugi (Beautifully Broken) ni Lawrence Fajardo, starring JC Santos at ang Japanese actress na si Hiro Nishiuchi; Latay (Battered Husband) ni Ralston Jover, starring Lovi Poe, Allen Dizon, Snooky Serna, at Mariel de Leon; at Walang Kasarian Ang Digmang Bayan (The Revolution Knows No Gender) ni Joselito Altarejos, starring Oliver Aquino, Arnold Reyes, Sandino Martin, at Rita Avila.

Kasama naman sa Sinag Maynila 2020 documentary selection ang mga sumusunod: A Remembering of Disremembering ni Cris Bringas, Agos ni Jerel Travezonda; Coal Story, Bro ni RA Rivera; Kung Saan Ka Happy: An A.D.N. Story ni Kimberly Ilaya; Mga Bayaning Ayta ni Donnie Sacueza; at Vahay: A Documentary on The Ivatan House ni Rica Arevalo.

Kabilang naman sa lineup ng short films ang Ang Kaibigan ni Imaginary F. ni Joey Paras; Dasal ni Angela Andres; Leave Notes ni Yssa Valdes; Nilalang (Of Being and Deceit) ni Juan Carlo Tarobal; Pabasa kan Pasyon ni Hubert Tibi; Silang Mga Nakatago sa Dilim ni Diana Manguiat at Angelica Nitura; Supot ni Philip Giordano; Tahanan ni Mick Quito; Tarang (Life’s Pedal) ni Arvin Belarmino at Patsy Ferrer; at Together ni Blasgil Tanquilut.

Sa opening ceremonies ng festival on March 17 ay ipalalabas ang digitally restored at remastered na pelikulang White Slavery ni direktor Lino Brocka. Pinagbibidahan nina Sarsi Emmanuelle, Emily Loren, Jaclyn Jose, at Patrick dela Rosa ang sexy drama na isinulat ni Ricky Lee.

Ang mga magwawagi sa full-length, short film, at documentary competitions ay iaanunsiyo sa Gabi ng Parangal na gaganapin sa March 22, 2020.

Ang Sinag Maynila 2020 ay nabuo sa pakikipagtulungan ng official venue partners SM Retail Inc., The Podium Hall, SM at SM Cinemas, at ng Film Development Council of the Philippines (FDCP). Nagpapasalamat din ang festival sa screening venue partners: Cinema 76 Anonas, Cinema 76 San Juan, Cinema Centenario, Gateway, Robinsons Galleria Ortigas, Robinsons Galleria Cebu, Robinsons Magnolia, SM Manila, SM Mall of Asia, SM Megamall, at ang UP Film Institute.

Ang kumpletong screening schedule ay ilalabas pagdating ng March. Para sa karagdagang impormasyon bisitahin ang sinagmaynila.com o ang Facebook page ng festival (Sinag Maynila.)