• Home
  • Fresh Scoops
  • Loisa Andalio, inalala ang pinagdaanang malaking kontrobersya

Loisa Andalio, inalala ang pinagdaanang malaking kontrobersya

Para kay Loisa Andalio, natuto at nakabangon na siya sa pagsubok na kanyang hinarap noong 2019.

BY PUSH TEAM

FRESH SCOOPS

2/19/2020 7:47 PM
Loisa Andalio, inalala ang pinagdaanang malaking kontrobersya


Nananatiling matatag si Loisa Andalio sa kabila ng kanyang hinarap na pagsubok sa buhay noong nakaraang taon at inamin naman ng aktres na naisipan niya nang sumuko noon.

Sa unang pagkakataon ay tinalakay ito ni Loisa at naging emosyonal ang "James and Pat and Dave" lead actress sa kanyang naging panayam sa "Tonight with Boy Abunda."

“Sa totoo, ang daming pumasok sa isip ko na, ‘Ayoko na, pagod na ako.’ Hindi ko na kaya ‘yung masasakit na binibigay sa akin ng mga tao, lalo’t hindi naman nila alam,” kwento ni Loisa.

Para naman sa aktres, malaking aral ito sa kanya at ang mahalaga raw ay hindi siya sumuko.

“Ngayon, masasabi ko na natuto ako. Bumabangon ako, nakabangon ako. Dahil po iyon sa mga taong nagmamahal sa akin sa paligid ko. Hindi po ako perpektong tao. Nagkakamali din po ako. Ang mahalaga sa akin, natuto ako, bumangon ako, lumaban ako. Tuloy ang buhay,” ani Loisa.

Hindi mapigilang maiyak ni Loisa nang bigyan niya ng mensahe ang kanyang sarili.

“Masasabi ko sa kaniya na proud ako sa kaniya, dahil kinaya niya ‘yung sakit, kinaya niya ‘yung panghuhusga. Gusto kong sabihin na, ‘Proud ako, kasi hindi ka sumuko, kinaya mo."

Inihayag din ni Loisa na ang kanyang co-star at real-life boyfriend na si Ronnie Alonte ang kanyang naging sandalan sa mga panahong iyon.

“Siya po ‘yung isa sa dahilan kung bakit naging mas matapang ako lumaban… Sinabihan niya ako na, ‘Ako bahala sa ‘yo, taas-noo tayong lalabas, hindi kita pababayaan.'" 

Taong 2018 naman nang aminin nina Ronnie at Loisa ang kanilang relasyon sa publiko.