• Home
  • Fresh Scoops
  • John Arcilla gaganap bilang si healing priest Fr. Fernando Suarez sa pelikula

John Arcilla gaganap bilang si healing priest Fr. Fernando Suarez sa pelikula

John Arcilla, ikinuwento kung paano niya nakilala ang healing priest na si Fr. Fernando Suarez.

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

2/11/2020 11:42 AM
John Arcilla gaganap bilang si healing priest Fr. Fernando Suarez sa pelikula


Ilang araw bago binawian ng buhay ang kilalang healing priest na si Fr. Fernando Suarez noong February 6, 2020 ay masaya pa nitong pinanood ang 90 percent ng kanyang bio flick na pinamagatang Suarez: The Healing Priest.

Si John Arcilla ang napili ni Fr. Suarez na gumanap ng kanyang katauhan sa pelikula. Maraming film producers ang nag-attempt na isapelikula ang buhay niya pero sa Saranggola Media Productions niya ito ipinagkatiwala at si Direk Joven Tan ang naatasang magdirek nito.

Naging kontrobersyal noon ang sikat na healing priest at aminado si John na isa yon sa naging dahilan kung bakit pinag-isipan niyang mabuti kung tatanggapin ba o hindi ang role sa pelikula.

Paliwanag ni John sa PUSH, “Actually, ang mas naging problema ko noon ay yung controversy. Sabi ko, ayokong gawin ang pelikula para maging taga-pag promote lang ako ng mga bagay na hindi totoo. So, kailangan kong alamin.

“Hindi ko ito sinabi kay Father noon, so sabi ko, I really have to meet him para makausap ko siya kasi may controversy nga, eh. Nung makausap ko si Father, nakita ko yung sincerity. Naramdaman ko na yung allegation ay allegation lang talaga, so yon yung nagbigay sa akin ng desisyon para tanggapin ito.

“So hindi ako magigin gparang tagapagsalita lang niya kung di ako ay gagawa ng isang kuwento na makatotohanan at talagang makabuluhan at hindi pantakip sa kung anuman, kasi kung ganun hindi ko tatanggapin.”

Nanghihinayang si John na hind siya nabigyan ng mahabang panahon para makilala si Fr. Suarez.

“Actually, napakaigsi (ng pagkakilala ko sa kanya), kasi hindi ko naman talaga siya kaibigan, eh. Kakilala siya ng mga sisters ko kasi nag-a-attend sila ng healing mass sa kanya, pero hindi sila personal friends. Naririnig ko siya sa mga ate ko, sa mga kaibigan kong uma-attend, tapos talagang na-meet ko lang siya personally noong story conference naming dalawa.

“Nagkwentuhan kami tungkol sa buhay niya kasi gusto kong makita kung ano yung dilemma, ano yung crisis para maging cinematic yung acting. So, sa maikling panahon na yon, sa pagganap ko ng role niya – kasi galing sa kanya mismo yung ibang mga lines, eh, kung ano yung sinasabi ko.

“Yung mahabang-mahabang interbyu na yon, lalo ko siyang nakilala. Sabi nga niya, ‘Itong healing na ito, regalo sa akin ito ng Diyos, pero kahit na wala ito,’ sabi niya patuloy ang biyaya ng Diyos. ‘Ipagpapatuloy ko yung pagtulong sa mga nangangailangan kahit mawala na yung regalo sa akin ng Diyos na panggagamot,’” lahad ni John.

Naibahagi rin ng aktor ang ayon sa kanya ay isang “healing experience” sa yumaong pari.

“Sa right time ko dapat sasabihin sa kanya kung ano yung nangyari sa akin. Kasi bago kami matapos (mag-usap), sabi ko, ‘Father heal me.’ Yumuko ako tapos hinawakan niya yung batok ko.

“Ang nakita ko – alam mo yung image ni Christ na kulay blue lang siya, yung shadow lang ha, yung face lang ha. Tapos tumingin ako sa kanya, nag-smile lang ako.

“Gusto ko lang siyang i-feel at ayoko muna siyang ikuwento kasi baka naman sabihing, ‘Si John, porke sinabing healing priest may paganun-ganun na siya,’ pero totoo… totoo. Tapos sabi ko nga sasabihin ko sa kanya sa right time pero hindi ko na masasabi sa kanya,” kuwento niya sa amin.

Eh, ano ba sa palagay niya ang napagaling ni Fr. Suarez?

Sagot ni John, “Actually, hindi ko alam kung anong na-heal sa akin kasi wala naman akong ailment, wala akong sakit, pero the fact na Nakita ako ng image, whatever is that, hindi naman ako basta pumikit lang na nakita ko yung image kasi ginanun (hinawakan) niya yung batok ko, so whatever is that, kahit wala akong nararamdamang sakit nung araw na yon, I’m sure psychologically or emotionally something happened to me.”