• Home
  • Fresh Scoops
  • Andrea Brillantes, inaming ‘answered prayer’ ang pagdating ng Kadenang Ginto sa kanya

Andrea Brillantes, inaming ‘answered prayer’ ang pagdating ng Kadenang Ginto sa kanya

Gumaganap na Margaret “Marga” Mondragon Bartolome si Andrea Brillantes sa teleseryeng “Kadenang Ginto.”

BY PUSH TEAM

FRESH SCOOPS

2/1/2020 12:56 PM
Andrea Brillantes, inaming ‘answered prayer’ ang pagdating ng Kadenang Ginto sa kanya


Sa nalalapit na pagtatapos ng teleseryeng Kadenang Ginto ay inihayag ng aktres na si Andrea Brillantes ang kanyang galak sa pagdating ng mga biyaya pagkatapos niyang tanggapin ang karakter niya bilang si Marga Mondragon Bartolome.

Sa naganap na press conference para sa top-rating show ay inamin ni Andrea na nasagot ang kanyang dasal nang magkaroon siya ng parte sa Kadenang Ginto.

"Gusto kong magpasalamat sa show na ito. Bago dumating ang 'Kadenang Ginto' sa akin medyo lost po ako noon. Nasa kama lang ako noon, sobrang empty ko, kasi wala akong raket, wala akong show, kailangan ko na,” kwento ni Andrea.

Hindi naman itinanggi ng batang aktres na siya ang tumatayong breadwinner para sa kanilang pamilya kung kaya naman malaking biyaya tuwing nagkakaroon siya ng projects.

“Kasi siyempre ako po ang breadwinner sa amin, kailangan ko na ng pera, kailangan ko na mag-ipon. Tapos lumuhod pa talaga ako noon at umiiyak ako, 'Lord, please bigyan niyo ako ng chance.' Gusto kong mapatunayan sa lahat na kaya kong umarte, hindi lang ako ito, I'm more than that,” aniya.

"So noong dumating sa akin ang 'Kadenang Ginto' sabi ko ito na, papatunayan ko sa lahat, ibibigay ko ang lahat ko, ibibigay ko ang best ko sa lahat ng iyakan, sa lahat. So, masaya ako na dumating sa akin ito," dagdag niya.

Simula rin daw noong maging parte siya ng serye ay nasimulan niya na rin makapagpatayo ng bahay para sa kaniyang pamilya dahil umuupa lamang umano sila ng bahay.

"Malapit na matapos ang bahay ko, sa April na po. Dati extra-extra lang ako, 'yung wala akong tent, wala akong upuan. Pero alam ko na gusto ko na magkaroon ako ng bahay para sa buong pamilya ko.

“Kasi nakakapagod 'yung palaging nagre-rent, aalis ka at pupunta ka sa bagong bahay na naman. Nung dumating sa akin ang 'Kadenang Ginto,' dito ako nagkaroon ng parang endorsements, blessings na ilang years ko na pong ipinagdasal na sana ay magkaroon ako. Kasi nung una akala ko hindi ako naririnig ni Lord kasi
 nine years na po akong artista. Feeling ko 'di Niya ako naririnig sa mga ipinagdarasal ko. Tapos nagkaroon ng 'Kadenang Ginto,' tapos bumuhos ang lahat ng blessings. Kaya sabi ko, 'Lord, grabe thank you talaga.' Ngayon mas naniniwala ako sa right timing.”

Kasalakuyang mapapanood ang Kadenang Ginto, weekdays pagkatapos ng noontime show na
It’s Showtime.