• Home
  • Fresh Scoops
  • Lagpas dalawang dekada nang impersonator ni April Boy Regino si Felipe Mendoza Jr.

April Boy Regino binago ang buhay ng isang fan

Lagpas dalawang dekada nang impersonator ni April Boy Regino si Felipe Mendoza Jr.

BY
Kiko Escuadro

Twitter: @Simplengbinata

FRESH SCOOPS

12/06/2020 04:33 PM
April Boy Regino binago ang buhay ng isang fan

“Malaking pasasalamat ko po kay Idol, dahil kung ‘di dahil sa kaniya hindi ako ganito ngayon.”

Ito ang mga salitang binitiwan ng isa sa mga tagasubaybay ng namayapang singer na si April Boy Regino na si Felipe Mendoza Jr. AKA “Idol JP Mendoza”.

Isa si Idol JP Mendoza sa mga nakiramay sa naging burol ni April Boy Regino na pumanaw nitong Nobyembre 29.


READ: ‘Di Ko Kayang Tanggapin’: April Boy Regino, pumanaw na

Kuwento ni Idol JP na proud na impersonator ni April Boy Regino, suportado ng pamilya Regino ang kaniyang naging panggagaya sa idolo sa loob ng dalawang dekada.

“Kasi ‘yung pag gaya ko kay idol. Nagawa ko na po siyang hanapbuhay doon po ako kumikita, mula sa pagkain namin, pambayad sa bahay, sa lahat lahat doon ako sumasandal kaya malaki ang pasalamat ko sa pamilya Regino kina Maa’m Madel (Regino) idol JC (John Christian Regino) at sa lahat ng mga kapatid ni Idol, maraming maraming salamat po,” sambit ni JP Mendoza sa panayam ng PUSH.

Ayon kay Idol JP, nagsimula siyang fan Freddie Aguilar noong dekada ‘90, pero dahil sa kakaibang look at style ni April Boy aminado si Idol JP na agad napukaw ng idolo ang kaniyang damdamin bilang isang tagasubaybay.

“Noong sumikat si Idol April 1995-1996, siya na ang inidolo ko, ang ginawa ko na lang naglagay na lang ako ng bangs. Kasi mahaba na rin ang buhok ko hindi na ako nahirapan doon na lang ako nahirapan sa boses kasi dati ang boses ko malaki, noon talagang pinilit kong gayahin ang boses niya (April Boy) kahit madikit man lang ng konti pero sobrang tagal ang tagal na proseso,”aniya sa ating panayam.

Mula sa styling, galawan at haba ng buhok ay kuha ni Idol JP ang looks ng kaniyang idol na isa rin sa dahilan ng kaniyang pagtuloy sa pangarap bilang mangaaawit.

“Yes po, kumakanta rin po ako. Live at nagso-show na rin ako sa iba’t ibang lugar Luzon, Vizayas, Mindanao and nakapag-abroad na rin po ako sa Sydney, Australia,” sambit pa niya.

Proud impersonator man, aminado rin si Idol JP na hindi naging madali ang proseso nang panggagaya niya sa timbre ng boses ng idolo.

“Iba ang boses ni idol e, kakaiba ang boses niya ‘yung boses niya ang hindi ko kaya gayahin,” kuwento pa niya.

Binalikan rin ni Idol JP ang isa naging pag-kikita nila ng namayapang OPM singer nang nagdiwang ito nang kaniyang 56th birthday kung saan naghabilin ito sa kaniya.

“Noong 56 birthday niya, pumunta kami, tapos nag-uusap kami tapos pinapayuhan niya ako na ipagpatuloy ko lang daw ang pag gagaya ko sa kaniya,” ani Idol JP.

At sa pamamaalam ng kaniyang idolo, aminado si Idol JP na malaking kawalan ito.

“Hindi ko po makakalimutan, sobrang bait po niya kasi yung ibang gumagaya hindi nila pinapansin ‘yung nanggagaya sa kanila e’ ako nung pumunta ako dito, welcome na welcome ako kaya sobrang panghihinayang ko na wala na po ang super idol ko.”

Namaalam man ang idolo, nais pa rin na ituloy ni Idol JP ang legacy ni April Boy sa paraan nang kaniyang pangagagaya dito.

“Yes po, ipagpatuloy po namin kasi ngayon, mayroon na po kaming grupo at may original na rin po kaming kanta dahil sa idol namin na si Idol April Boy ang ginawa naming title sa aming grupo ‘The April Voice’ yung boses the April Voice kasi po siya po talaga ang inspirasyon namin bilang singer,” pahayag pa ni Idol JP.

Linggo December 6, hinatid na sa huling hantungan si April Boy Regino sa isang private cemetery sa Antipolo, Rizal.