• Home
  • Fresh Scoops
  • Ito ang mapapanood sa biopic ng namayapang si Father Fernando Suarez sa 2020 Metro Manila Film Festival.

Milagro ng namayapang si Father Suarez, nakuhaan ni Direk Joven Tan

Ito ang mapapanood sa biopic ng namayapang si Father Fernando Suarez sa 2020 Metro Manila Film Festival.

BY
Kiko Escuadro

Twitter: @Simplengbinata

FRESH SCOOPS

12/25/2020 08:52 AM
Milagro ng namayapang si Father Suarez, nakuhaan ni Direk Joven Tan

Ibinahagi ng direktor ng pelikulang Suarez: The Healing Priest na si Joven Tan ang ilan sa kaniyang di malilimutang eksena sa kaniyang proyekto na kalahok sa 2020 Metro Manila Film Festival.

Ang Suarez: The Healing Priest ay tungkol sa buhay ng namayapang healing priest na si Father Fernando Suarez na binigyang buhay ng aktor na si John Arcilla.

Sa panayam ng PUSH at ilang entertainment press, ikinuwento ng direktor ang naging huling mga eksena nila kung saan nakuhaan nila ang naging milagro ni Father Suarez.


“Sa akin, ang hindi ko talaga nakalimutan ang healing na ginawa niya sa ending ng pelikula,” bungad ni Tan sa panayam.

Ayon sa direktor, hindi nila inasahan na mapapasama ang naging milagro ng namayapang si Father Suarez sa kanilang pelikula.

“Wala kasi talaga ‘yun e so bumisita lang siya sa shoot. Ang ginawa ko, ‘Why not, tutal andito ka, kunan ka na rin namin ng isang parang maliit na healing mass. Ginawa namin ‘yon, tas’ ‘yun na pala ‘yung huling magagawa niya,” sambit pa ng direktor.

Kontrobersyal kung ilalarawan ng marami ang naging buhay ng healing priest dahil na rin sa mga kontrobersya na ibinato laban dito.

Pero, ayon na rin sa direktor, iningatan nila ang mga taong maaring masaktan at maapakan sa biopic ng namayapang healing priest.

“Basta sinabi niya lahat. Kami na rin ‘yung nagsabi na ‘ito parang hindi na kailangan.’ ‘Ito baka lumaki pa ‘yung gap na mag create pa ng (Misunderstanding) so doon lang kami sa tingin ko enough na tingin namin na magiging maayos ‘yung storya,” paliwanag ni Tan.

Dahil na rin sa ilang negatibong akusasyon na kinasangutan ni Father Suarez, hands off rin umano ang simbahan sa pagtalakay sa mga naging usapin na Ito.

“Ito kasi, kuwento ni Father, so kung ano man ito, side niya. Kumbaga, basta iningatan namin. Wala kaming na-offend, wala kaming matatapakan, wala kaming na mention na names, kumabaga ito ang kuwento niya,” pahayag ng direktor.

Starring John Arcilla, Jin Macapagal, Alice Dixson, Marlo Mortel, ang Suarez the Healing Priest ay mapapanood simula ngayong December 25 bilang kalahok sa 2020 Metro Manila Film Festival.