The Boy Foretold By The Stars director Dolly Dulu describes Jodi Sta. Maria as film producer

Kumusta kaya si Jodi Sta. Maria bilang isang producer?

BY
Leo Bukas

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

12/19/2020 11:48 AM
The Boy Foretold By The Stars director Dolly Dulu describes Jodi Sta. Maria as film producer
Photo credit: @jodistamaria Instagram (L)

Isa sa mga executive producers ng BL movie na The Boy Foretold By The Stars na kasali sa 2020 Metro Manila Film Festival ay si Jodi Sta. Maria. Ang movie ay directorial debut ni Dolly Dulu at pinagbibidahan nina Adrian Lindayag at Keann Johnson.

Kumusta nga ba bilang film producer ang bida ng Ang Sa Iyo Ay Akin series ng ABS-CBN? Maluwag ba siya sa pera?

“Actually, very ano naman po si Jodi, do’n siya sa tama. Yon lagi ang kanyang statement,” simulang deskripsyon ni Direk Dolly sa actress-turned-producer.


“Kasi nag-work po ako under her nung ginawa po namin yung isang project sa iWant. Siya po yung main producer at ako po yung line producer niya.

“So nung time na yon, ang lagi niya lang pong bilin sa akin is—siyempre, una,  work within the budget. Ayaw niya po talaga na lalagpas kami at kahit anong mangyari hindi puwedeng lumagpas. But at the same time kahit ganun po siya, kahit controlled niya yung money gusto niya pa rin yung what is fair for everyone,” patuloy na paliwanag ng baguhang director.

Madali rin daw maintindihan ni Jodi ang pangangailangan ng production team dahil isa rin itong artista.

“She’s an actress so alam niya rin naman po yung mga kailangan o mga needs to be improved on. Like yung mga tents sa mga talents, ganyan. Yon yung lagi niyang sinasabi sa akin.

“Gusto niya pong makilala as a producer na hindi nag-o-over budget and at the same time hindi mare-report, hindi mado-DOLE. Hahaha!” komento pa niya.

So, ibig ba niyang sabihin ay matipid na producer si Jodi?
Natatawang sagot ni Direk Dolly, “Do’n lang siya sa dapat. Ayoko pong sabihing… Siguro ako yung mas matipid na producer. Kunyari sasabihin ni Jodi, ‘Itaas mo yan (TF),’ ako naman, ‘Hindi, okey na yan.’

“So parang ako yung mas madamot sa ganun. Pero siya, sa pagiging producer, mas maluwag siya sa ganun.”

Hindi rin daw nakikialam si Jodi sa nilalaman ng istorya at kung paano ito dapat buuin.

“Ay hindi po! Don naman po ako sobrang hanga kay Jodi kasi nag-trust naman po talaga siya na, ‘Yan yung material na sinulat mo and isu-support ko yan all the way,” papuri niya kay Jodi.

Dugtong niya, “Although, lagi naman po akong nagpapadala sa kanila ng mga drafts nung movie for her comments, for their comments at ia-address ko po kung meron silang gustong… Pero binigyan niya po ako ng creative freedom for that and do’n lang po sila sa dulo nagko-comment, after na po nung na-shoot na namin ang pelikula.”

“May free hand po ako. Mas ano siya… well meron po siyang pakialam pero nung pagkatapos ko nang i-mount yung pelikula don na lang siya nag-comment,” susog pa ng BL film director.

Sa dami ng mga ipinalabas na BL series online ay confident si Direk Dolly na naiiba sa lahat ang The Boy Foretold By The Stars.

“Feeling ko po hindi pa nila napapanood yung ganitong BL movie. Ganun po yung feeling ko kasi nakita ko din naman po yung mga lumabas na kuwento, iba-iba rin naman po yung premise nila. Eto po, for a change, I think, hindi naman lahat ng LGBTQ ay puro sex, love team, kissing or kung anuman.

“Meron din naman po tayong aspeto na umiibig din tayo… Sa pelikula namin ay babalikan lang po natin yung feeling when we were young, nung high school po tayo na sobrang happy crush lang, ganyan. At saka dito real gay yung character na nag-portray na na-in love siya sa isang lalaki. Hindi na niya kailangang pag-aralan yung nuances ng isang gay. Kumbaga, wala nang acting requirements pa,” paliwanag niya.

Naniniwala ba siyang babalik ang inilabas na puhunan ni Jodi bilang producer ng pelikula?

“Ah… hindi pa ako masyadong confident,” medyo natitigilan niyang sagot. “Kaya po kailangan naming maghanap pa po ng audience. Kasi siyempre ayoko naman pong mapaso (o madala) si Jodi as a producer, because siyempre she will give us more jobs.

“And as well as isa siya sa nagtiwalang magkuwento ng mga kwento natin (sa LGBTQ), so sana mas marami ang manood para mas maengganyo din po si Jodi at yung Clever Minds na mag-produce ng mga ganitong klaseng material for us.

Samantala, producer din ng The Boy Foretold By The Stars—na mapapanood via Upstream.ph simula December 25—ang The Dolly Collection, Brainstormers Lab, at Clever Minds, Inc. kung saan si Jodi nga ang isa sa executive producers.