• Home
  • Fresh Scoops
  • Labis umanong nasaksaktan si Anthony Taberna sa ginawa sa kanya ng isa sa mga taong pinagkakatiwalaan niya.

Anthony Taberna, ninakawan ng taong pinagkakatiwalaan

Labis umanong nasaksaktan si Anthony Taberna sa ginawa sa kanya ng isa sa mga taong pinagkakatiwalaan niya.

BY
PUSH TEAM

Twitter: @Push_Alerts

FRESH SCOOPS

12/16/2020 11:16 AM
Anthony Taberna, ninakawan ng taong pinagkakatiwalaan
Photo Credit: @iamtunying28 Instagram

Hindi lubos maisip ng brodkaster na si Anthony Taberna o mas kilala bilang Ka Tunying kung bakit tila sunod-sunod ang pagsubok na pinagdadaanan ng kanilang pamilya ngayon. 

 

 

Maliban sa patuloy na pakikibaka ng anak nila sa si Zoey sa sakit ni leukemia, malungkot na ibinhagi ni Ka Tunying na ninakawan ang kanyang resto ng isa sa mga taong pinagkakatiwalaan niya. 

“Mayroon kaming isang bagay na kanina pa namin pinag-uusapan kung pwede naming i-share dito sa Magandang Buhay,” saad ni Ka Tunying na aminadong hindi niya alam kung dapat ba niyang ibahagi ang pinagdadaan niya. 

 

 

“Isipin mo hirap na hirap kami. Alam mo ‘yung pagpapagamot sa katulad ni Zoey, sa kanyang kondisyon, mabigat ‘yun. Minsan napupuntahan niyo itong Ka Tunying’s nadiskubre namin two weeks o three weeks ago lamang na kami pala ay ninanakawan ng taong pinagkakatiwalaan namin dito sa kompanya,” saad ni Ka Tunying. 

READ: Anthony Taberna, hanga sa tapang ng anak na may leukemia

Dagdag pa ng news anchor, hindi lang umano maliit na halaga ang nakuhang pera sa kanila mula sa pagtitinda ng tinapay. 

“Eh sabi ko napakahirap naman ‘yung ganu’ng sitwasyon at hindi maliit na halaga ‘yung kinuha sa kompanya. Kumbaga kumita ka ng konti sa pagtitinda ng tinapay, iniipon mo ‘yon tapos kukuhain lang ng ibang tao,” ani Ka Tunying. 

 

 

“Sobrang sakit sa pakiramdam. Kaya ang sitwasyon namin ngayon ‘yung tao ay inihahanda namin ang kaso sa kanya. Tinitingnan din namin ang pananagutan ng bangko. Kasi malaking halaga.”

Bagama’t nasa operasyon pa ito, aminado ang beteranong broadcast journalist na may posibilad na magsara ang kanilang kumpanya lalo pa’t hindi biro ang nawalang pera sa kanila. 

READ: Zoey Taberna nagpasalamat sa patuloy na nanalangin sa kanyang paggaling

“Sabi ko nga, kundi namin mareremedyuhan ngayon ang nangyari, masakit man ipinagtapat ko na sa manager namin na baka ihanda natin ang sarili natin sa pagsasara ng komponya. Sobra kasing laki nung nawala kaya napakahirap ng pangyayari ngayon,” saad ng komentarista. 

Panoorin ang video sa ibaba: 

Shop at LAZADA’s 12.12 After Party Sale

Samantala, umaasa naman ito na malalagpasan nila ang kinakaharap nila ngayong pagsubok.

Sa kanyang post naman sa kanyang Instagram kahapon, Disyembre 15, sinabi ni Ka Tunying na labis-labis ang pagsubok na kanyang pinagdaanan ngayong 2020. 

 

 

“16 days ka na lang!!! Pinakamabigat na dinaanan namin sa taong ito ay ang karamdaman ni Zoey. Habang pinapasan namin ito ay pumutok ang Bulkang Taal at dumating ang pandemya na humampas nang husto sa Ka Tunying’s at sa mga umaasa rito. Nakakatindig naman kahit paano dahil sumusuweldo pa ako noon sa ABSCBN pero nadale naman nang hindi maaprubahan ang franchise sa Kongreso. Pero okay pa rin. Pagsubok lang yan. Ngiti pa rin. Nakatindig pa rin. Tapang-tapangan, lakas-lakasan. Pero di ko akalain na bago matapos ang 2020, may humahabol pa! Nadiskubre namin na ang taong aking pinagtiwalaan, ako pala ay matagal nang pinagnanakawan! Ang pera ng kumpanya, namadyik niya at naidirecho sa sarili niyang bank account,” lahad niya.  

Dagdag pa ni Ka Tunying, “Hindi maliit na halaga, milyong piso na mula sa paghihirap ng mga empleyado ng Ka Tunying’s - tama po, habang nagtitiis sa hirap ng pagtatrabaho ang mga panadero, kusinero, serbidor at serbidora, driver, janitor at iba pa, siya naman pala ay nagpapakaligaya sa perang hindi naman sa kaniya. 

“At ang lalong masakit at karima-rimarim, noon mismong ikinuwento ko sa kaniya ang hirap ng kalooban at bulsa dahil sa aming pinagdadaanan gawa ng natuklasang karamdaman ni Zoey, wala pa ring puknat ang pagnanakaw niya sa pera ng kumpanya.” 

Ani din niya ay balak niyang panagutin sa batas ang taong ito at ilan pang naging instrumento nito sa pagnanakaw. 

 

 

“Kakasuhan namin ang taong ito pero hindi ako papayag na di mananagot ang bangko at pati na ang kaniyang mga kasapakat. Naghahanap kami ngayon ng KATARUNGAN. Tulad ng unti-unting paggaling ni Zoey, tiwala rin kami na makakabawi at hindi babagsak ang kumpanya. Oo nga at nahihirapan kaming lahat ngayon sa Ka Tunying’s pero hindi kami basta susuko. Malakas ang loob namin dahil may mga taong tumatangkilik at nagmamahal sa amin at sa Ka Tunying’s. Hindi ko tatalikuran ang maraming umaasa rito na mga empleyado at kanilang pamilya. Pagsasama-samahin namin ang lakas namin at ang pagtangkilik ng publiko taglay ang inspirasyon ni Zoey sa amin. Higit sa lahat, sasandal ang aming tiwala sa Panginoong Diyos at manghahawak sa pangako na hindi Niya tayo pababayaan,” sabi pa nito.