• Home
  • Fresh Scoops
  • Ipinaliwanag ni John Arcilla kung bakit siya nagdalawang isip na gawin ang ‘Suarez: The Healing Priest’.

John Arcilla, muntik na mag-backout sa ‘Suarez: The Healing Priest’

Ipinaliwanag ni John Arcilla kung bakit siya nagdalawang isip na gawin ang ‘Suarez: The Healing Priest’.

BY
Leo Bukas

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

12/11/2020 06:00 PM
John Arcilla, muntik na mag-backout sa ‘Suarez: The Healing Priest’

“Believer ako ng healing, kahit anong healing naniniwala ako!” Ito ang bukambibig ng award-winning actor na si John Arcilla na bida sa pelikulang Suarez: The Healing Priest nang makausap namin siya sa presscon nitong Huwebes, ng tanghali, December 10.

Ang Suarez: The Healing Priest ay official entry ng Saranggola Media Productions sa 2020 Metro Manila Film Festival na mapapanood via streaming sa Upstream.ph. Ang pelikula ay idinirek ni Joven Tan.

WATCH: Here’s the full trailer for ‘Suarez: The Healing Priest’


Patuloy ni John, “Kasi bago lang naman tayo nagkaroon ng modern medicine na nauso na yung pharmaceutical di ba, na naging business na, do’n muna umaasa ang tao sa mga healing-healing na yan.

“Kaya napa-oo kaagad ako sa team na nag-invite sa akin and when I read the script, nag-research ako then nakita ko yung controversy tapos parang gusto kong mag-back out.”

Ang dahilan daw ng plano sana niyang pagba-backout noon ay ang kontrobersyal na isyu kay Fr. Fernando Suarez.

“Tapos pinanood ko yung mga video niya. Sobra akong na-mesmerize sa galing niyang magsalita kaya naisip ko na gusto ko munang makausap si Father bago ako mag-backout.

“Para maging fair naman ako and I have to set aside my doubts at mag-storycon muna kami and I want to listen to his story and hindi ko tatanungin yung tungkol sa controversy kasi medyo awkward,” kuwento pa ni John.

“Then napansin ko na sincere siya at nakuwento naman niya lahat, and he’s a very simple man who is not trying to defend himself, to justify ang sarili at naniniwala siyang mabi-vindicate siya kasi alam niya wala siyang kasalanan. So, I felt the sincerity kaya itinuloy ko ang project,” dagdag na paliwanag ng aktor.

Nitong January 2020 ay na-clear ang  ang pangalan ni Fr. Suarez sa sexual molestation na inakusa at isinampa sa kanya ng dalawang altar boys na taga-isla ng San Jose Occidental Mindoro.

Bukod sa astig na kontrabida ng seryeng FPJ’s Ang Probinsyano ay marami na ring napanalunang acting award si John. Una siyang nanalo ng Best Actor noong 1996 sa MMFF para sa pelikulang Mulanay. Pressured ba siya na ma-duplicate ang unang best actor award niya this time sa 2020 MMFF?

Aniya, “Hindi naman ako pressured. Minsan nasa award giving body at depende pa rin yan sa criteria ng jurors kung sino sa kanila ang nakapag-perform ng best sa lahat ng entries.

“Masarap pakinggan kapag nire-recognize nila ako at doon palang masaya na ako pero para manalo, well, bonus yun.  Lahat naman kami gustong manalo.”

“Para sa akin it’s flattering, pero hindi ako naniniguro kasi hindi ko pa naman napapanood yung iba (kasali sa MMFF),” lahad pa ng aktor.

Bukod kay John ay kasama rin sa Suarez sina Alice Dixson, Jin Macapagal, Marlo Mortel, Jairus Aquino, Rosanna Roces, Troy Montero, Rita Avila, at marami pang iba.