• Home
  • Fresh Scoops
  • Sinabi ni Tess Pineda, na wala siyang nakukuhang tulong mula sa kanyang anak na si Raquel Pempengco, pati na rin sa kanyang apo na si Jake Zyrus.

Lola ni Jake Zyrus, humihingi ng tulong para maipagamot ang kanyang sakit

Sinabi ni Tess Pineda, na wala siyang nakukuhang tulong mula sa kanyang anak na si Raquel Pempengco, pati na rin sa kanyang apo na si Jake Zyrus.

BY
Leo Bukas

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

11/25/2020 04:03 PM
Lola ni Jake Zyrus, humihingi ng tulong para maipagamot ang kanyang sakit

Walang cellphone ang lola ni Jake Zyrus na si Tess Pineda. Pero dahil sa tulong ng YouTube channel na Mukbangers On The Road ay nai-video ang panawagan ng matanda.

Umapela si  Lola Tess, na nakilala na nagtatanggol sa apong si Jake (na tinatawag pa din niyang Charice, ang totoong pangalan ng singer), ng tulong kina Raffy Tulfo, Jessica Soho at Boy Abunda.

Sabi niya sa video, “Magandang umaga po, Sir Tulfo, Ma’am Jessica Soho, kay Boy Abunda... Ako po ay lumalapit sa inyo, humihingi po ng kaunting tulong.


“Hinatid po ako dito ng apo ko. Ako po si Tess Pineda, kilala po bilang lola ni Charice Pempengco. May sakit po ako, ang BP ko po lagi tatlong araw na, 160/100.

“Pwede po ba akong matulungan makapagpa-check-up man lang ako? At kung maaari po sana nang makatulong ako sa taong nag-aalaga sa akin, gusto ko pong magkaroon ng makina para makapanahi kahit paunti-unti. Kaysa po ako'y lagi na lang nakaupo, nakatanga, nag-aalala sa pamilya, nag-iisip."

Si Lola Tess ay kinukupkop ngayon ng isang concern citizen sa Sta. Rosa Laguna.

Lahad pa ng 74-year-old na lola, hindi raw siya tinutulungan ng kanyang anak na si Racquel Pempengco at apong si Jake.

“Hindi po ako naalala ng pamilya ko. Lumalapit po ko sa inyo, humihingi ng tulong, makina po at pinansiyal para mapa-check up ko po yung mata ko,” tila naninik-luhod niyang pakiusap.

Patuloy niya, “Nito pong nagdaang taon ako po ay na-istroke sabi ng doktor napatiran daw po ako ng ugat sa ulo, sa batok. Pero pinilit ko pong maka-recover. Wala na po kasi ako mapagbili ng gamot. Gusto ko pong maghanapbuhay kahit konti, kumita kahit konti.

“Wala na po akong makina, binenta na nilang lahat. Hindi naman po ako sinusustentuhan kahit piso.”

Nilinaw din ng lola ni Jake na nagpa-video siya hindi para magpaawa.

“Hindi po ako nagpapahabag. Masama ang pakiramdam ko po kung minsan ako'y nakatayo at bigla akong napapaluhod.

“Charice, bakit mo ako ginanito anak? Yung ibang tao binubuhay mo, pinakakain mo. Pero ang lola mo kahit piso hindi mo naaalala?

“Kung ako ay naging masamang ina, kung ako ay naging masamang lola, sa akin pa rin kayo nagmula,” lumuluhang pahayag ni Lola Tess.

Sinabi ng YouTube channel owners sa description ng kanilang video na sana ay matulungan din ng kanilang viewers  ang matanda.