• Home
  • Fresh Scoops
  • Si Al Quinn ang direktor ng show ni Nora Aunor noon na ‘Superstar’.

Nora Aunor, inalala ang pinagsamahan nila ng yumaong direktor ng  ‘Superstar’ na si Al Quinn

Si Al Quinn ang direktor ng show ni Nora Aunor noon na ‘Superstar’.

BY
Leo Bukas

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

10/26/2020 02:47 PM
Nora Aunor, inalala ang pinagsamahan nila ng yumaong direktor ng  ‘Superstar’ na si Al Quinn

Nagdadalamhati ang Superstar na si Ms. Nora Aunor sa pagpanaw ng malapit na kaibigang si Direk Al Quinn. Si Quinn ay kilalang director ng mga concerts, beauty pageants, awards nights, at ng longest running musical TV show ni Nora na Superstar na ipinapalabas noon sa RPN 9.

Nag-migrate si Direk Al sa Amerika noong 2014. Binawian siya ng buhay sa edad na  86 noong October 24, Sabado, (Philippine time).

“Ako po ay lubos na nalulungkot sa pagpanaw ng isa sa mga magagaling  na TV director na si Direk Al Quinn,” bungad ni Nora sa official statement na ibinigay niya sa PUSH sa pamamagitan ng kaibigan niyang si Rodel Fernando.


“Maraming magandang alaalang iniwan sa akin si Tito Al na hinding-hindi ko makakalimutan. Noong araw kapag dumarating ang Linggo sa Superstar kahit hindi na ako nag-iinsayo alam na alam niya na ang mga anggulong kukunan sa akin pag ako na ang humaharap sa camera at kakanta.

“Alam rin niya kapag may problema ako sa show namin. Alam niya kung papaano niya ako alalayan habang nagso-show. May oras na dumarating ako sa show na malaki ang problema ko at lumalabas lang ako sa opening at ending ng show.

“Si Kuya Germs (Moreno) lahat ang gumagawa ng paghohost mula umpisa hanggang matapos, hinahayaan lang niya ako kasi alam niya na may pinagdadaanan ako.

“May oras na umiiyak ako sa kanya pag hindi ko na kaya ang problema ko at lagi niya akong pinapayuhan at pinapangaralan. Napakabait niya sa akin,” pagbabalik-tanaw ng multi-awarded singer-actress.

Ayon pa kay Nora, kapamilya ang turing niya sa yumaong director na kung i-describe pa niya ay walang kapaguran.

Ani Nora, “Si Tito Al ay pamilya ko ng itinuring, kapatid direktor at tagapagtanggol. Masayahin, maalalahanin, at isang napakabait na kaibigan. Tuwing Linggo pagkatapos ng show namin  nagmi-meeting pa siya kasama ang staff, dancers at crew para naman sa susunod na linggong show. Wala siyang kapaguran.

“Minahal ni Tito Al nang sobra ang SUPERSTAR show. Sa 22 years na nagtagal ang Superstar,  karamay ko siya sa lahat. Sa hirap at ginhawa. Masaya man o malungkot. Laging mataas ang rating ng Superstar show ng siya ang aming direktor.”

Pero dumating daw sa punto na kailangang mag-reformat ang Superstar at kasama si Direk Al sa natanggal sa show.

“Hindi ko makalimutan yung panahong napakalungkot niya dahil dumating ang araw na napag-initan ng bagong gobyerno ang show namin kaya kahit mataas pa ang rating ng show pinilit nila itong ibinagsak. Nagreformat.

“Pinalitan nila lahat ang dating management  kaya nang dumating ako sa Superstar show ng panahong iyon nagtaka ako... wala na si Tito Al at kasama siya sa napalitan pati mga dancers ko at buong staff,” muling pagbabalik-tanaw ng Superstar.

“Matagal rin bago kami nagkita uli ni Tito Al. Nagkita uli kami ng ipinakiusap ko sa kanya kung puwede niyang igawa ng MTV si John Rendez at hindi niya ako binigo.  Ginawa niya ng MTV ang kanta ni John na  ‘Kembotan’ na kinompose at sinulat niya.

“Napakalaking kawalan ni Direk sa industriya. Taos-puso kong ipinapaabot ang aking pakikiramay sa kanyang pamilya. Kasama ninyo ako sa inyong pagdadalamhati. Mananatili siya at magagandang alaala niya sa aking puso,” huling bahagi ng kanyang official statement.