• Home
  • Fresh Scoops
  • Umarangkada na ang bagong programa ni Luis Manzano na naglalayong tumulong sa mga na-dehado. 

PANOORIN: Luis Manzano, inaksyunan ang problema ng magkaibigan na nag-away dahil sa utang na isang daang peso

Umarangkada na ang bagong programa ni Luis Manzano na naglalayong tumulong sa mga na-dehado. 

BY
PUSH TEAM

Twitter: @Push_Alerts

FRESH SCOOPS

10/25/2020 09:15 AM
PANOORIN: Luis Manzano, inaksyunan ang problema ng magkaibigan na nag-away dahil sa utang na isang daang peso

Sa bagong programa ni Luis Manzano na Luckyng Tulong sa kanyang YouTube channel kasama si Long Mejia, inaksyunan nila ang problema ng umano’y nadehado ng kanyang kaibigan na nangutang ng isang daan.

“Halos nagmamakaawa na si Jasper Ruiz sa kanyang kaibigan na si Justin Quetua na ibalik ang buong perang inutang sa kanya ng kaibigan niyang si Justin,” saad ni Luis. 

“Sisingilin na dapat kaagad kasi gagamitin na sana ni Jasper kaagad ‘yung pera sa pagpapagawa ng bahay. At dahil aabot pa yata sa demandahan kasi ang gustong idemanda ni Jasper si Justin dahil sa umano’y panloloko niya. Installment pa ang hinihingi,” dagdag ni Luis. 

Hindi umano maiwasan ni Jasper na magkaroon ng hinanakit sa kanyang kaibigan na si Justine na sampung taon na niya itong kakilala. 

READ: Luis Manzano to release an online show with Long Mejia

“Masyado lang po ang hinanakit ko sa kaibigan ko at napakabigat po ng dinadala ko dahil hindi ko po inakala na sa haba po ng pinagsamahan namin, pera pa po ang pag-aawayan namin. 

Pagbabahagi ni Jasper, pinahiram niya umano si Justin dahil nangako itong babayaran agad nitong uutangin sa kanya. 

“Nagkainuman po kami noong nakaraang gabi. Humiram po siya sa akin kasi kaibigan ko nga po. Sabi ko ‘Sige papahiramin kita’. Pinahiram ko po. Pero ang usapan po namin Kuya Luis gawa nga po ng sitwasyon natin ngayon, eh pinahiram ko po siya na kung ano ‘yung hiniram mo, ‘yun ang ibabalik mo sakin’,” sambit ni Jasper. 

Dagdag pa ni Jasper: “Nung sinisingil ko na po, bukod sa delayed siya magbayad sa akin, hindi pa po niya sinoli nang buo ‘yung hiniram niya sakin. Kinausap ko ‘Sabi ko pare ano ba ang usapan natin? Nung lumapit ka sa akin, walang sabi-sabi, pinahiram kita.’”

Ani Jasper, gagamitin umano niya ang pera para sa ipinagawa niyang bahay. 

“Ang sabi ko sa kanya, kakailangan ko din ‘yung pera agad at nagpapagawa po ako ng bahay. Hindi ko po matapos-tapos ang bahay. Ang dinadahilan niya sa akin, pandemic nga daw po ‘di daw siya makakabayad,” saad ni Jasper. 

Hugot pa ni Jasper, hindi daw tama ang perang naibalik sa kanya kaya ganu’n na lang ang panggagalaiti niya. 

“Nabayaran naman po niya kaso hindi po buo ‘yung binayad niya. Du’n po ako gigil na gigil. Ang tagal ko na po naghintay, kung ano po ‘yung hiniram niya, hindi pa po ‘yun ‘yung binalik niya sakin.

Agad naman itong pinabulaanan ni Justin at sinabing walang katotohanan ang binibintang sa kanya ni Jasper. 

“Hindi po ‘yan totoo, Kuya Luis. Bale ‘yung hiniram ko pong pera sa kanya, buong-buo ko po sa kanya binigay. Alam po pati ng pamilya ko kasi pinagtulong-tulongan po namin para maibigay po sa kanya ng buo,” saad ni Justin. 

BASAHIN: Luis Manzano, proud son sa panindigan ng inang si Vilma Santos

Paliwanag pa niya, kaya siya natagalan sa pagbabayad dahil ginamit pa ng kanilang pamilya ang pera para sa kanilang pang-araw-araw na gastusin. 

“Ang nangyari nga po, medyo nalate po ako sa petsa na pinag-usapan namin gawa nga po ng pandemic. Kinailangan din po ng pamilya namin ng panggastos kaya na-late po ako,” kwento ni Justin.

Pag-amin ni Justin, hindi niya maintindihan kung bakit kinailangan pa siyang siraan ni Jasper gayong matagal na silang magkaibigan. 

“Matagal na po kaming magkaibigan. Hindi ko po alam diyan kung bakit parang kahit nga po sa lugar nila, sira na po ‘yung pangalan ko dahil sa binibintang niya sa akin na hindi daw po ako buong magbayad.  Eh buo naman po ‘yun. Chinismis na po ako,” ani Justine. 

Kwento pa ni Justine, saktong lasing si Jasper nang inabot niya ang pera kaya marahil ay nagastos niya ito. 

“Nung inabot ko po nu’n — dahil na-late ako ng bayad — nag-abot pa po ako nga alak parang kumbaga po pasasalamat dahil na-late ko ng bayad. Lasing po siya nu’n nung inabot ko po sa kanya ‘yung pera na ‘yun. Alcoholic po kasi ‘yan eh. Baka ginastos niya po sa ibang lugar ‘yun,” ani Justine. 

Sa kalagitnaan ng diskusyon, napag-alaman na nagbayad naman pala talaga si Justine kay Jasper. Ngunit bakit nga ba sinasabi ni Jasper na wala itong katotohahan? Panoorin ang buong video sa ibaba: 

Sa huli, nagkaayos sina Jasper at Justine sa tulong nina Luis at Long. 

Binigyan naman ni Luis at Long sina Jasper at Justine ng tig-isang libong piso ang dalawa at tig-isa ding grocery package na nagkakahalaga ng isang libo.