• Home
  • Fresh Scoops
  • Ayon kay Donita Nose, nagkakumplikasyon ang anak nina Tekla at Michelle dahil sa paggamit ng bawal na gamot ng ina habang buntis ito.

Donita Nose at Ogie Diaz, ipinagtanggol si Tekla; video evidence, planted ayon sa manager

Ayon kay Donita Nose, nagkakumplikasyon ang anak nina Tekla at Michelle dahil sa paggamit ng bawal na gamot ng ina habang buntis ito.

BY
Leo Bukas

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

10/23/2020 12:44 PM
Donita Nose at Ogie Diaz, ipinagtanggol si Tekla; video evidence, planted ayon sa manager
Photo Credit: @ogie_diaz and @donitanose Instagram

Ipinagtanggol ni Donita Nose ang komedyanteng si Tekla sa mga akusasyong ibinabato sa kanya ng live-in partner nitong si Michelle Lhor Bana-ag. Si Tekla ay ka-tandem ni Donita sa YouTube channel na tinawag nilang Donekla.

“Talagang naha-hurt na lang din ako. Alam ko na meron siyang ginawa dati, may mga bisyo, may mga ganito. Tapos, ugali niya talaga dati... Pero nagbago na po siya kahit papaano.

“Naramdaman ko naman yon. Saka lalo na yung bisyo niya talaga pinagbago niya talaga. Parang mabigat na rin sinasabi ng mga tao sa kanya. Alam ko meron siyang mali. May mga side din naman siya. Pero meron din namang tamang ginawa si Tekla,” lahad ni Donita sa programa ni Raffy Tulfo.


Ayon pa kay Donita, kaya raw kinailangang operahan ang baby nina Tekla at Michelle na si Angelo ay dahil sa meron itong komplikasyon na posibleng epekto ng paggamit umano noon ng droga ni Michelle.

“Ang gusto ko lang i-point doon is nagkaganun yung bata, nagkaproblema siya, nagkaroon ng mga ganitong komplikasyon nung pinanganak because nga daw po habang nagbubuntis daw po si Michelle is gumagamit pa din po siya. Yon po ang main problem nila kaya nagkaganun yung bata,” pahayag pa niya.

Dinepensahan din ni Donita ang kaibigan tungkol sa isyu ng pamimilit nito diumano kay Michelle para makipagtalik.

Aniya, “Kung si Tekla nga, kung ang ugali niya ganun siya pag dating sa ganito, sa ganyan, dapat in first month, second month, third month nakitaan na ni Michelle si Tekla na hindi magandang kasama, nakipaghiwalay na dapat siya.

“Pero iniisip ko, ‘Bakit tumagal kayo ng four years? Nakikisama ka pa rin kay Tekla kung ayaw mo ng ugali niya?’”

Opinyon pa ni Donita, mukha raw pinagplanuhan daw ni Michelle na i-video talaga si Tekla sa gitna ng kanilang matinding komprontasyon para gawing ebidensiya kapag nagsumbong na ito kay Raffy Tulfo.

“Itong nangyari sa kanila, I think, itong week lang po na yan. Yung na-video-han na yan is two days ago lang, I think. Talagang sinadya nila na i-video na ganu'n ang nangyayari, nag-aaway sila kasi ito na nga yung plano nila na ganito. Parang pinagplanuhan po nila na i-video si Tekla,” sabi pa niya.

Ganito rin ang sinabi ng manager ni Tekla na si Rose Conde na planted ang ebidensiyang video ni Michelle.

“Yon pong pag-aaway nila, mainit na sila non. Kung anong sinasabi ni Michelle sa video yon ang gusto niyang iparating sa tao kasi planted nang ipapa-Tulfo si Tekla. Gumawa sila ng video para ipadala sa inyo.

“Ano ang pinagsimulan ng gulo? Ano ang pinagsimulan ng away? Gusto nang makipaghiwalay ni Michelle kay Tekla. Humihingi ng pang-umpisa (pera) kay Tekla. Walang maibigay si Tekla kasi wala pa po siyang pera. Wala pa po siyang income ngayon. Mag-uumpisa pa lang ang suweldo niya ngayong payday. Wala siyang maibigay so nag-aaway na sila,” lahad niya.

Ayon pa sa manager ni Tekla, hindi rin daw totoo na ginugutom ni Tekla sina Michelle. Si Tekla pa nga raw ang nagluluto para sa kanilang kakainin.

Itinanggi naman ni Michelle ang sinabi ni Rose at Donita na planted ang video na mula sa kanila.

Ayon naman kay Ogie Diaz, ikinuwento sa kanya ni Tekla na sa kanya nakasandal ang pamilya ni Michelle.

“Sabi ni Tekla sa akin, yung family daw ni Michelle ay sa kanya rin nakasandal. Tapos yung dalawang pamangkin niya ay siya ang nagpapa-aral. Kaya nagtataka siya bakit sya aakusahan ng ganito.”

Patuloy ni Ogie, “Hindi ko kinakampihan si Tekla, ha. Nagkataon lang na una kong nakilala si Tekla at hindi ko pa nakikilala si Michelle. Michelle, huwag kang magalit sa akin, ha. Pero sinabi ni Tekla sa akin na mula nung ikaw ay makapanganak hindi na raw kayo nag-sex.

“Sa puno't dulo nito, ano ang gusto niya maging resulta nito? Maging maayos sila ni Tekla o gusto n'ya makulong si Tekla?” tanong ni Ogie kay Michelle.

Sagot ni Michelle, “Magdamag ko pong pinag-isipan ito. Naawa po ako sa anak ko kasi nanggaling po ako sa broken family. Ang hirap po na lumaki ng walang tatay, eh, di ba po? May anak po siyang panganay. Pinag-isipan ko pong maigi kaso kung hindi ko po ilalaban itong kaso na ito.

“Gusto ko pong pagbayaran niya yung mga ginawa niya. At hindi lang po sa akin, Sir, eh. Pati rin po sa anak ko. Kung isipin niyo, ilang taon akong nagtiis, di ba? Mahal ko din po yang tao na yan, eh. Kaso po akala ko may pagbabago kaya bumalik ako ng condo.”

Binigyan naman ni Raffy sina Michelle at Tekla na makapag-usap muna-off air-hanggang sa Lunes, October 26, baka sakaling maayos pa nila ang gulo sa pagitan nila at bago sila gumawa ng mga susunod na hakbang.