• Home
  • Fresh Scoops
  • ‘Ipagdasal natin siya’: Ai Ai Delas Alas, hiling ang kabutihan para kay Jiro Manio

‘Ipagdasal natin siya’: Ai Ai Delas Alas, hiling ang kabutihan para kay Jiro Manio

Inihayag ni Comedy Queen Ai Ai Delas Alas ang kaniyang saloobin kasunod ng pagkakadampot ng mga pulis sa dating child actor na si Jiro Manio.

BY KIKO ESCUADRO

Twitter: @Simplengbinata

FRESH SCOOPS

1/19/2020 3:17 PM
‘Ipagdasal natin siya’: Ai Ai Delas Alas, hiling ang kabutihan para kay Jiro Manio


Inihayag ni Comedy Queen Ai Ai Delas Alas ang kaniyang saloobin kasunod ng pagkakadampot ng mga pulis sa dating child actor na si Jiro Manio.

READ: Former child actor Jiro Manio arrested in Marikina

Sa Instagram video na uploaded ni Ai Ai nitong Lingo, Enero 17, diretso niyang nilinaw ang mga naging pangyayari sa buhay ni Jiro matapos itong makita sa Ninoy Aquino International Airport [NAIA] Terminal 3 taong 2015 kung saan siya nagpalaboy-laboy.

 

 

READ: Jiro Manio, Aiai Delas Alas

Kuwento ni Ai Ai, simula 2015 hindi siya nagkulang sa pag-asikaso kay Jiro na ilang beses niyang ipinasok sa rehab center. 

“Ayaw ko na po sana sabihin pero ang dami pong nagtatanong, may kamahalan po ang rehab ni Jiro noon. Siguro nasa 60,000 a month siya noon dito sa may Quezon City, and I think tumagal siya doon ng 6 months to 8 months,” hayag ni Ai Ai sa Instagram.

Kumpleto at hindi umano nagkulang si Ai Ai para sa dating child star hanggang sa napabuti ito at tulungan na muling makapasok sa showbiz kung saan siya nakilala bilang isang mahusay na aktor.

Ngunit sa hindi inaasahan na pangayayari ni Ai Ai, umatras at naging magulo ang isip ni Jiro matapos ang naging meeting para sa isang TV project.

“After two hours nang pumirma kami ng kontrata, nag text sa akin, sabi niya ‘Mama, ayoko na.' Ayaw na daw niya mag-artista, sabi ko ‘Anak, patay tayo diyan kakapirma pa lang natin,’ tapos kaka-convinced ko sa kaniya, oo naman daw tapos mamaya, hindi na naman daw pwede."

Dahil sa magulong desisyon ni Jiro, naniwala si Ai Ai na hindi pa lubusan na magaling ang aktor at napagdesisyunan nila ng pamilya ng aktor na muling ibalik ito sa isang rehab center sa Bataan.

READ: Jiro Manio leaves rehabilitation center ahead of time

“Kinonsult ko ‘yung doctor niya kung ano ang gagawin na bakit ganun, hanggang sa (nakita) ko na ayaw pa rin niya mag-artista ay hindi pa siya magaling kasi mga tini-text niya sa akin minsan tungkol sa Olympics, minsan mag text siya na mag-a-align na ang Pluto sa Mars. Sabi ko, ako mismo sa sarili ko na hindi pa magaling si Jiro.”

Kasunod nito, tumagal nang halos dalawang taon ang aktor sa isang rehab center sa Bataan kung saan malayo ito sa stress. 

“Until dumating ‘yung time within the vicinity pwede na siya mag-alis alis para maka (encounter) nga ng ibang tao, until parang nagpaalam siya sakin na ‘Mama, uuwi ako sa bahay namin.’ So ang dating sa'kin, ‘Ah pwede na pala siya lumabas doon sa rehab’ kasi nakakapagpaalam na siya papunta sa Manila."

Patuloy ni Ai Ai, dahil sa suporta at gabay ng ilang kapamilya ni Jiro at ng rehab center sa Bataan, naniwala siya na mabuti na ang lagay ng dating aktor dahil nagawa nito na magpabalik-balik sa Maynila.

“Until may nagsumbong sa akin na nagmamarijuana siya ulit.” 

“This time sabi ko, ‘Wala na 'to’. Pakiramdam ko lahat ng binuhos kong effort, binuhos kong tulong, pangaral, suporta sa pamilya parang.... parang natapon na lang ng ganun parang kasi ‘Nasa rehab ka bakit ka nagma-marijuana?’"

Ayon pa sa comedy queen, “Parang napagod na ako. Ilang days after na isumbong sa akin ‘yun nagsabi na siya na, ‘Mama lalabas na ako’ so ako wala na... Nawalan na ako ng pag-asa na wala na, parang hindi na magbabago si Jiro.”

“Matanda na siya, Hindi naman na siya 17 or menor de edad, so sabi ko siguro tama na ‘yung nagawa ko para sa kaniya na nagpaalam siya, binlock ko na siya, hindi ko na siya pinansin noong sinabi niya na uuwi na siya.”

Hayag ng comedy queen, nawalan na sila ng komunikasyon ni Jiro ng mahigit dalawang taon.

“So ako bilang nanay-nanayan niya, siguro naman alam ng nasa itaas kung anong effort ‘yung nagawa ko at kung anong tulong ang nagawa ko sa kaniya na sana pinahalagahan niya and [kung] sana ‘yung pamilya niya din kahit papano sinuportahan siya sa lahat ng bagay, siguro hindi siya nandito sa ganitong sitwasyon,” emosyonal ka pahayag ni Ai Ai.

Sa huli, hiling ng tumatayong pangalawang ina ni Jiro ang panalangin para sa dating aktor.

“Ako po ay ang pinakamagagawa ko ngayon ay magdasal at hinihingi ko rin po na ipagdasal natin siya. Malinawan ang isip niya na kung ano man ang mangyari sa kaniya ngayon, sana matuto siya sa lahat lahat ng pinagdaanan niya sa buhay niya.”