• Home
  • Fresh Scoops
  • EXCLUSIVE: Chad Kinis, naghahanap ng kanyang Mr. Right tulad ni Ion Perez

EXCLUSIVE: Chad Kinis, naghahanap ng kanyang Mr. Right tulad ni Ion Perez

Chad Kinis, pinapayuhan ni Vice Ganda tungkol sa kanyang career at love life.

BY LEO BUKAS

Twitter: @leobukas

FRESH SCOOPS

1/15/2020 11:31 AM
EXCLUSIVE: Chad Kinis, naghahanap ng kanyang Mr. Right tulad ni Ion Perez


Photo credit: @praybeytbenjamin and @chadkinis IG

Hindi itinatanggi ng komedyanteng si Chad Kinis na katulad ni Vice Ganda, ay naghahanap din siya ng isang Mr. Right or “Ion Perez” sa kanyang buhay.

“Lahat naman po siguro tayo, nangangarap tayo ng isang taong magmamahal talaga ng totoo sa atin, yung hindi ikinahihiya na ipagsigawan sa buong mundo na mahal ka, di ba? Lahat tayo siyempre nangangarap na magkaroon ng taong ganun, yung aagapay sa ‘yo, magpapasaya sa ‘yo,” lahad niya sa PUSH.

“Kasi di ba, karamihan sa katulad nating mga third sex, lagi tayong nagpapasaya sa ibang tao, pero gusto rin nating maranasan na tayo naman yung pasayahin at ipagsigawan sa buong mundo na ‘mahal ko ‘to’ ganun,” dugtong pa niya.

Naniniwala rin si Chad na marami pang Ion Perez sa mundo.

Aniya, “Meron pang ganyan. Meron yan! Naging stigma na po kasi dito sa Pilipinas kaya nahihiya yung mga tao, sa totoo lang, meron po talagang lalaki na magmamahal (ng bading). Kasi minsan, ang pagmamahal hindi naman yan sa kasarian, eh,hindi naman yan sa gender.

“May mga lalaking totoo naman po. May mga kaibigan akong napu-fall yung mga lalaki sa kanila dahil sa kabaitan, sa kagandahang loob, sa pinapakita, kung paano sila alagaan. Meron talagang mga lalaki na ang gusto nila ay minamahal sila pabalik.”

Naniniwala din si Chad na kaya nai-in love ang ibang lalaki sa bading ay dahil nakakakita sila ng sense of security sa mga ito.

“Meron kasing mga lalaking naloko na dati, ayaw ng masaktan at nakikita nila yung security sa mga katulad nating bading. Na dito secured kami—hindi pera-pera ha, kundi dahil mahal kita.

“Nangyari na sa akin yan dati nung bata ako kaya lang ako naman yung nagloko kasi nga bata pa ako non. Straight guy siya. Wala akong trabaho no’n, siya ang may trabaho at siya ang nagbabayad ng bahay, pagkain. Tapos pag ganun feeling mo ang ganda-ganda mo, di ba? After that relationship lahat ng naging relationship ko niloko na ako. Karma siguro yon,” natatawang kuwento ni Chad.

Humihingi ba siya ng advice kay Vice tungkol sa career at love life?

“Si Meme hindi naman po nagkukulang lagi ng pagsasabi sa amin kasi siya na po talaga yung nanay namin sa industriya, eh. Ano siya, pag mali ka sasabihin niya sa ‘yo yung mali mo at itatama niya. Wala siyang paliguy-ligoy kasi ganun naman ang nanay, eh.

“Kasi kung hindi ka mahal ni Vice, papabayaan ka niya. Hindi niya sasabihin yung mali mo, hindi niya itatama. Pero mahal ka ng tao ramdam mo yon, eh. Pag nagalit sa yo ang isang tao, kapag nagtampo sa yo, ibig sabihin love ka nung tao at may pakialam siya sa ‘yo,” sambit pa ni Chad.

Samantala, ngayong 2020 ay mapapanood si Chad sa mga pelikulang Viva Films na #Tililing at sa Ang Babaeng Walang Pakiramdam na pagbibidahan ni Kim Molina.