• Home
  • Fresh Scoops
  • Ogie Diaz sa comfort room issue: ‘Habaan nating mga bakla, lalo na ang mga kapatid na trans, ang ating pasensiya’

Ogie Diaz sa comfort room issue: ‘Habaan nating mga bakla, lalo na ang mga kapatid na trans, ang ating pasensiya’

Nagpahayag ng kanyang opinyon si Ogie Diaz kaugnay ng usapin ukol sa paglalagay ng pampublikong palikuran para sa mga miyembro ng LGBTQ+ community.

BY PUSH TEAM

FRESH SCOOPS

9/8/2019 2:24 PM
Ogie Diaz sa comfort room issue: ‘Habaan nating mga bakla, lalo na ang mga kapatid na trans, ang ating pasensiya’


Photo Credit: Ogie Diaz's Facebook

Sa unang pagkakataon ay nagpahayag ng kanyang opinyon si Ogie Diaz kaugnay ng usapin ukol sa paglalagay ng pampublikong palikuran para sa mga miyembro ng LGBTQ+ community. 

Kasunod ito ng pag-aresto sa transgender na si Gretchen Diez matapos siyang pagbawalang gumamit ng comfort room para sa mga kababaihan sa isang sikat na mall sa Quezon City.

Sa Facebook, sinabi ni Ogie na karapatan ng mga kapatid sa LGBTQ+ community na gumamit ng palikurang naaayon sa kanilang kagustuhan.

Aniya, “Kung ano ang gender n'yo nu'ng ipinanganak kayo, ok lang naman, du'n pa rin kayo mag-CR. Kasi, nakalaan din yon sa yo, nagkataon lang na nakabihis-babae ka.

“Tulad kunwari sa mga transgender/transexual, kung feeling n'yo, eh mas kumportable kayong sa female CR pumasok, gow! For as long as hindi n'yo naman gustong kabugin ang mga babae sa loob. Maayos naman kayong papasok at hindi magmamaldita o magsisiga-sigaan.

“Pwede rin naman kayong pumasok sa CR ng lalake, dahil hindi n'yo pa naman siguro nakakalimutang umihi nang nakatayo, di ba? Pero kung feeling girl ka na at gusto mong sa cubicle umihi nang nakaupo kahit hindi ka pa operada, the cubicle is all yours. Kahit paupo ka pang umihi sa bowl, keri lang.”

Ngunit dagdag ni Ogie, kailangang habaan ng LGBTQ+, lalo na ang mga kapatid na transgender, ang kanilang pasensiya kung sakaling makatanggap ang mga ito ng panghuhusga mula sa ibang tao.  

“Basta hindi kayo ginagalaw physically o pinagsasalitaan nang masakit, deadma na. Just mind your own thing. Kung me sumita sa inyo or binastos kayo, nasa inyo na yan kung paiiralin n'yo ang init ng ulo o magiging palengkera kayo o kalma lang kayo,” aniya. 

“Wag ka nang ma-offend sa mga glances ng mga guys o ng girls sa respective CR nila porke nandu'n kayo. Hayaan mo sila.

“'Wag na kayong mag-request ng sarili n'yong CR o sarili nating CR. Hangarin n'yo lang na sana, yung mga CR sa malls, malilinis at mababango at matino ang flush. At may respetuhang umiiral sa loob ng CR.

“Saka habaan nating mga bakla, lalo na ang mga kapatid na trans, ang ating pasensiya, lalo na't hindi naman nu'ng kapanganakan n'yo iniba ang gender n'yo, di ba?”

Ayon pa sa komediyante, ang malungkot na reyalidad ay hindi lahat ay kayang intindihin at buong pusong tanggapin ang sitwasyon ng LGBTQ+ community. 

“Hindi porke komportable ka na nakabihis-babae at masaya ka na feeling babae eh kailangang intindihin 'yon ng lahat ng tao. Kung paanong hindi lahat ng tao, maiintindihan 'yung happiness mo na magdamit babae. Maaaring may mga nakikiisa sa kung ano ang ayos mo at niyayakap ka, pero ang nakalulungkot, walang ‘sana all’, eh.

“Dahil we cannot please everybody. Kahit ano'ng paliwanag mo, yes may makakaunawa, meron ding di makaka-gets sa 'yo. Kahit sabihin mong walang pakialaman ng trip o happiness, lahat ng tao, lalo na 'yung mga may facebook at masisipag mag-post ng saloobin, lahat yan, may opinyon. OA sa talinong manghusga. 'Yung iba, feeling entitled. 'Yung iba, mema lang,” aniya.

“Kaya tama na 'yung minsang pakikipaglaban sa nararamdaman, sa respetong hinihingi, karapatan at equality. Sa panahon ngayon, ang madalas na ipinaglalaban at pinag-uusapan, lalo na't araw araw na lang laman ng social media, ay nakakaumay din,” dagdag niya.

Basahin ang buong pahayag ni Ogie dito:

Bukod kay Ogie, na isang gay man, ilang Kapamilya stars na miyembro ng LGBTQ+ community na ang nagpahayag ng kani-kanilang saloobin tungkol sa nasabing kontrobersiya, kabilang na sina Vice Ganda, Ice Seguerra, at Jake Zyrus.